PASIG CITY — Dumalo si Kuya JB Pallasigue, na kilala bilang “Anak ng Cainta,” sa Metro East Media Forum na inorganisa ng PaMaMariSan-Rizal Press Corps at suportado ng Pinoy Ako advocacy group. Layunin ni Kuya JB na makipag-“meet and greet” sa mga mamamahayag upang maipahayag ang kanyang mga layunin bilang independent candidate para sa unang distrito ng Rizal sa nalalapit na halalan sa Mayo 12, 2025.
Sa edad na 47, inilahad ni Kuya JB ang kanyang hangaring magdala ng pagbabago sa distrito na matagal nang pinamunuan ng mga pamilyang Ynares at Duavit.
“Change is coming. Iba naman,” ani Kuya JB, na binigyang-diin ang 54 na taong pamumuno ng pamilya Ynares at 30 taon ng pamilya Duavit sa Rizal.
“Simula pa noong 1971, ang Ynares ay nanilbihan na bilang mga representante, habang ang Duavit naman ay namuno simula 1994. Napakahaba na ng panahong iyon. Kagaya ng sabi, ‘walang forever.’ Panahon na para sa bagong ideya at solusyon,” dagdag niya.
Bilang isang independent candidate, inilahad ni Kuya JB ang kanyang mga plano para sa distrito, kabilang na ang:
Economic Zones: “Ang Cainta, Taytay, at Angono ang pinakamayayamang bayan sa Rizal, pero bakit wala tayong economic zone? Napag-iiwanan na tayo ng Batangas at Laguna,” aniya. Layunin niyang itaguyod ang paglikha ng economic zones upang magbigay ng trabaho para sa mga residente.
Cityhood ng Cainta at Taytay: “Napakayaman ng Cainta at Taytay, pero bakit hindi pa sila nagiging lungsod?” tanong niya, na isinusulong ang pagsusuri at pagsasabatas nito.
Tertiary at Teaching Hospitals: Plano rin niyang magtayo ng tertiary at teaching hospitals sa distrito upang mas mapalapit ang serbisyong medikal sa mga residente. “Wala tayong sariling ospital kahit napakayaman ng ating lugar,” aniya.
Urban Poor at Manggahan Floodway: Muling pag-aaralan ang usapin ng lupain sa Manggahan Floodway na naipamahagi sa informal settlers noong panahon ni Pangulong Cory Aquino ngunit binawi sa administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo.
Ipinagmamalaki ni Kuya JB na bilang independent candidate, wala siyang utang na loob sa anumang partido o pamilya. “Ako ay responsable at tapat sa mga mamamayan,” aniya.
Sinabi rin niya na isusulong niya ang “checks and balances” sa gobyerno sa pamamagitan ng investigation-in-aid of legislation upang matiyak na ang bawat solusyon ay tugma sa problema. “Makikinig ako sa mga tao at magbibigay ng tamang aksyon,” dagdag niya.
“Hindi ako pulitiko, ako ay public servant,” diin niya. Humihiling siya ng pagkakataon mula sa mga mamamayan na subukan siya bilang kinatawan ng distrito.
“54 taon na tayong pinamunuan ng pamilya Duavit. Subukan niyo naman ako ng tatlong taon para makita ang kaibahan,” aniya.
Binigyang-diin din niya na, “Ang paglilingkod-bayan ay hindi ipinamamana, ito ay pinaghihirapan.”
“Hindi ko sinasabing ako ang pinakamahusay, pero nangangako ako na kaya kong gampanan ang trabaho nang mas mabuti,” pagtatapos ni Kuya JB.