Mahigit 500 katutubo at residente ng Brgy. Pitong Bukawe, San Mateo, Rizal ang nakatanggap ng tulong mula sa Pinoy Ako Party-list noong Nobyembre 6. Ang mga benepisyaryo ay tumanggap ng tig-limang kilong bigas, bitamina, t-shirt, at libreng lugaw bilang bahagi ng programa ng grupo.
Layunin ng Pinoy Ako Party-list na maabot ang mga liblib na lugar sa bansa upang magbigay ng suporta sa mga katutubong Dumagat, Remontado at komunidad sa barangay . Bago ang pamimigay ng ayuda, isinagawa ang konsultasyon sa mga residente at katutubo kasama ang mga doktor at miyembro ng grupo upang alamin ang kanilang pangunahing pangangailangan, lalo na sa aspeto ng kalusugan.
Ayon kay Atty. Apollo Glenn Emas, nominado ng Pinoy Ako Party-list, ipagpapatuloy nila ang kanilang adhikain sakaling manalo sa darating na eleksyon. Kabilang dito ang pagpapasimula ng mga programang pangkabuhayan sa iba’t ibang panig ng bansa at pagtatayo ng unibersidad para sa mga katutubo. Layunin nitong mabigyan ng pagkakataon ang mga katutubo na makapag-aral, makapagtapos, at magkaroon ng maayos na hanapbuhay.
Nagpasalamat si Pastor Ronnie Dadulo ng Brgy. Pitong Bukawe sa tulong na natanggap ng kanilang komunidad. Aniya, napakalaking tulong nito sa kanilang mga residente, lalo na’t bihira silang maabot ng ganitong uri ng programa. Hinikayat din niya ang suporta para sa Pinoy Ako Party-list dahil nakikita niyang tunay itong nakatuon sa pangangailangan ng mga mamamayan.
Dagdag pa niya, “Malaking hamon dito ang problemang medikal at kawalan ng permanenteng hanapbuhay. Napakaraming pulitiko ang nangangako ngunit walang konkretong aksyon para tumulong sa amin.”
Ito na ang ikaapat na medical mission, feeding program, at pamimigay ng ayuda ng Pinoy Ako Party-list sa loob ng halos isang buwan. Kamakailan, nagsagawa rin sila ng kaparehong aktibidad sa isang liblib na lugar sa Taytay, Rizal, na pinaninirahan din ng mga katutubo.
Patuloy ang adhikain ng grupo na maglingkod sa mga nangangailangan, lalo na sa mga komunidad na malayo sa serbisyo ng gobyerno.