Si Barangay Quisao Secretary Sidney Vidanes, Kinapanayam ng ilang Media at Bloggers.
PILILLA, Rizal – Naglunsad ng medical mission at relief operation ang Pinoy Ako PartyList sa Barangay Quisao noong Sabado, Enero 25, nabiyayaan ng tulong ang mahigit sa 1,000 mahihirap na residente. Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga babae, lalaki, bata, at matatanda na nangangailangan ng suporta sa kanilang pang-araw-araw na ikabubuhay.
Ginawa ang programa sa Ynares Multi-Purpose Covered Court na dinaluhan ng mga residente mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan sa nabanggit na barangay. Bukod sa medical assistance, namahagi rin ang grupo ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng:
-
5 kilong bigas para sa bawat benepisyaryo
-
Libreng T-shirt bilang souvenir sa kanilang pagdalo
-
Libreng pananghalian
-
Sorbetes (dirty ice cream) bilang dagdag na pampalamig sa mainit na panahon
Upang matiyak ang maayos na distribusyon, binigyan ng ID ang bawat benepisyaryo, na maaari nilang ipalaminate para magamit sa hinaharap kung muli silang hihingi ng tulong mula sa Pinoy Ako PartyList. Dahil sa dami ng tao at mainit na panahon, agad pinauwi ang mga nakatanggap na ng ayuda upang maiwasan ang pagsisikan sa lugar.
Ayon kay Barangay Quisao Secretary Sidney Vidanes, ito ang kauna-unahang pagkakataon ngayong taon na may party-list na bumisita sa kanilang lugar. Nagpapasalamat siya sa Pinoy Ako PartyList sa kanilang malasakit at pagbisita, at umaasa siyang magkakaroon pa ng isa pang medical mission sa hinaharap upang mas marami pang residente ang makinabang.
“Malaking tulong ito sa aming mga residente, lalo na sa mga nangangailangan,” ani Vidanes. Dagdag pa niya, patuloy na dumarami ang bilang ng mga benepisyaryo habang isinasagawa ang programa, na umabot sa halos 900 katao at patuloy pang nadagdagan.
Ang Pinoy Ako PartyList, na kilala rin bilang “Tunay na PartyList ng Katutubo at Obrero“, ay nasa No. 99 sa opisyal na balota ng Commission on Elections (Comelec) para sa Mayo 12, 2025 pambansa at lokal na halalan.
Sa kasalukuyan, may 17,302 kabuuang populasyon ang Barangay Quisao, kung saan 8,000 ang rehistradong botante. Dahil sa bagong Comelec registration, posibleng umabot ito sa 9,000 bago ang eleksyon.
Lubos ding nagpasalamat ang mga benepisyaryo sa tulong mula sa Pinoy Ako PartyList, na ayon sa kanila ay malaking ginhawa sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Bagama’t hindi nakadalo ang Barangay Chairman ng Quisao dahil sa naunang naka-schedule na commitment, nagpaabot naman siya ng kanyang suporta at pasasalamat sa biyayang natanggap ng kanyang mga kabarangay.