image

MAYNILA, PILIPINAS — Nagsagawa ng eleksiyon ang Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI), isa sa mga pinakamatatanda at pinakamalalaking media organization sa bansa, upang italaga ang bagong hanay ng mga opisyal para sa termino ng 2025 hanggang 2028. Ginanap ang halalan noong Hunyo 24, 2025, sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.

Bagong Halal na Opisyal ng PAPI:

Pangulo: Rebecca M. Velasquez (dating Executive VP), Pulso ng Makabagong Caviteño

Executive Vice President: Ian Junio, Hyperland News Publishing

Bise Presidente para sa Luzon: Alma Omilig Ochotorena (muling nahalal), News Syndicate Digest

Bise Presidente para sa Visayas: Danilo N. Silvestrece, Balita Tirador Publication

Bise Presidente para sa Mindanao: Anila Anne B. Acosta, Mindanao Exposé

Kalihim: Reyland Lopez, Unang Milenyo News Publishing Center

Ingat-Yaman: Leonida Pascua Cardona (muling nahalal), People’s Monitor Publication

Auditor: May Ann Reyla, City View Publishing

Mga Miyembro ng Lupon:

Luzon: Eduardo Cardona (muling nahalal), Rizal Voice Publication; Dina Diaz, Tarlac Insider Weekly

Visayas: Giecel Albar, Akeanon News Publishing Services

Mindanao: Elpedio Bermas Soriano Jr. (muling nahalal), Peryodista Publications; Joseph Denmarc Miranda Avila, Eagles Journal

Kasabay ng eleksiyon ay idinaos din ang mid-year general assembly ng samahan na may temang “Pagkakaisang Laban sa Fake News.” Dumalo sa pagtitipon sina National Press Club President Leoniel Abasola, Dr. Lily Lim, at Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) Undersecretary Joe Torres Jr., na nagpahayag ng buong suporta sa PAPI.

Sa kaniyang mensahe, tiniyak ni Torres ang tuluy-tuloy na pagkilos ng PTFoMS upang makamit ang hustisya sa kaso ng pagpaslang kay Juan “Johnny” P. Dayang Sr., dating Chairman Emeritus ng PAPI, na binaril noong Abril 29 sa Kalibo, Aklan. Kilala si Dayang bilang dating OIC-Mayor ng Kalibo matapos ang 1986 People Power Revolution.

Dumalo rin si Jay Ruiz, beteranong mamamahayag at kasalukuyang Kalihim ng Presidential Communications Office (PCO), bilang pagpaparangal sa nagtatapos na termino ni PAPI President Nelson Santos. Binigyang-diin ni Ruiz ang kahalagahan ng pagkakaisa ng media sa paglaban sa fake news, lalo na sa gitna ng pag-usbong ng digital platforms.

“Kailangan tayo’y magkaisa, labanan natin ang fake news, at dapat managot ang mga nagpapakalat nito,” ani Ruiz.
“Magpapatuloy ang magandang ugnayan ng PAPI at PCO upang maipaabot sa mamamayan ang mga programa’t polisiya ng administrasyong Marcos.”

Nagbigay rin ng pagkilala ang PAPI sa ika-90 kaarawan ng yumaong si Johnny Dayang. Sa isang video message, nagpasalamat ang anak nitong si Consul General Jed Dayang Jr. at hinimok ang media community na patuloy na ipaglaban ang kalayaan sa pamamahayag.

“Huwag nating hayaang mabaon sa limot ang pagkamatay niya. Gawin nating hamon ito – na patuloy tayong magsalita kahit delikado, at magsulat kahit hindi tanggap,” ani Dayang.
“Patuloy kaming susuporta sa PAPI, gaya ng ginawa ng aking ama.”

Inaasahang iaanunsiyo sa mga susunod na araw ang petsa ng pormal na panunumpa ng mga bagong halal na opisyal.

imageimage