image

QUEZON CITY — Nanawagan ang mga grupo ng kababaihan nitong Hulyo 1 sa Commission on Elections (Comelec) na iproklama na ang Gabriela Partylist at i-diskwalipika ang Duterte Youth Partylist.

Sa isang press conference sa Kamuning Bakery Café na pinangunahan ni Clarice Palce ng BABAE Para sa InangBayan (BIBA), lumahok ang Gabriela Women’s Party at Kilusan ng Manggagawang Kababaihan upang talakayin ang kakulangan sa representasyon ng kababaihan sa 20th Congress.

Giit ni Palce, hindi dapat mawala ang boses ng kababaihan sa Kongreso. Dapat na raw i-disqualify ang Duterte Youth at agad iproklama ang Gabriela Partylist.

Ipinamalas ng feminist artist na si Julie Lluch Dalena ang isang likhang-sining bilang protesta, bilang suporta sa laban ng kababaihan.

Ayon kay Susan Macabuang ng BIBA, may babae umanong nabibiktima ng karahasan kada minuto ngayong taon, habang nagpapatuloy ang kahirapan dulot ng patriyarkal na sistema.

Binanggit ni Jacq Ruiz ng Kilusan ng Manggagawang Kababaihan na hindi sapat ang ₱50 dagdag-sahod sa NCR, at dapat marinig ang boses ng kababaihan sa hanay ng mga manggagawa at magsasaka.

Hinimok din ni Fhabi Fajardo ng BIBA ang Comelec na kanselahin ang rehistro ng Duterte Youth dahil lumabag ito sa mga patakaran, at patuloy na tumatanggap ng sahod mula sa pamahalaan.

Idinagdag ni Dr. Judy Taguiwalo, dating DSWD Secretary, na 15,000 boto ng Gabriela ang nawala sa eleksyon. Aniya, may sapat na basehan para iproklama ang Gabriela kung maalis ang Duterte Youth sa listahan ng partylist.

Giit naman ni Sara Elago, dating kinatawan ng Gabriela, dapat isulong ang mga panukalang Divorce Bill, SOGIE Bill, Anti-Political Dynasty Bill, at legislated wage hike. Aniya, patuloy ang laban ng Gabriela para sa karapatan ng kababaihan at kabataan.

Panawagan ng mga grupo: Diskwalipikahin ang Duterte Youth, iproklama ang Gabriela.

image

image