image

CAINTA, RIZAL —Mariing kinondena ng lokal na pamahalaan ng Cainta, Rizal ang ilegal na pagtatapon ng dumi ng tao sa mga kanal sa bayan, matapos mahuli sa akto ang ilang indibidwal na sangkot sa naturang gawain.

Sa panayam ng grupong  PaMaMariSan–Rizal Press noong Martes July 29, kinumpirma ni Mayor Kit Nieto na isinailalim na sa inquest proceedings ang mga suspek na naaresto nitong Lunes habang isinasagawa ang aktwal na paglabag.

“Nakulong sila kahapon matapos mahuli sa akto habang itinatapon ang laman ng septic tank sa kanal. Kanina yata isinailalim na sila sa inquest, pero wala pa akong update kung ano ang resulta,” ani Mayor Nieto.

Ayon sa alkalde, lumabag ang mga suspek sa dalawang pambansang batas ukol sa kalikasan at isang lokal na ordinansa:

– Ilegal na pagtatapon ng dumi sa hindi tamang lugar

– Hindi paggamit ng treatment facility

– Pagpapabaya sa pampublikong kalusugan

“Malaking panganib ito sa kalusugan. Dapat dumaan muna sa treatment facility ang dumi. Galing pa ito sa mga septic tank ng establisyemento,” dagdag ni Nieto.

Ibinunyag ni Nieto na matagal na niyang natatanggap ang ulat tungkol sa ganitong aktibidad. Karaniwan aniya, gumagamit ang mga salarin ng closed van na may tagong tangke ng dumi na dinidiskarga gamit ang hose sa mga manhole ng kanal.

“Dati, nahahabol pero nakakatakas. Pero kahapon, nahuli rin sila. Akala nila walang nakakakita,” aniya.

Ayon pa sa alkalde, ang kumpanyang sangkot ay nakabase sa Quezon City at nakilala na. Dahil dito, plano niyang magsampa ng civil suit laban sa kumpanya para sa pinsalang idinulot sa Cainta.

“Magpa-file kami ng damage suit, siguro nasa P10 milyon hanggang P15 milyon, para ipakita na seryoso ang Cainta sa isyung ito. Hindi namin papayagan na babuyin ang bayan namin.”

Nagsimula ang imbestigasyon matapos i-report ng mga vactor team ng bayan na may sariwang dumi ng tao sa kanal sa Imelda Avenue. Agad na nag-deploy ng seguridad ang lokal na pamahalaan at positibong nakumpirma ng MENRO team na human waste nga ang itinapon.

“Mainit talaga ako dito kasi sobrang pambababoy naman. Alam nilang madalas kaming bahain dito, tapos gagawin pa nila yun. Paano kung maghalo sa baha? Mga tao babad sa dumi habang naglalakad pauwi o papasok sa trabaho.”

Nanindigan si Mayor Nieto na hindi niya papayagang gamitin ang Cainta bilang tambakan ng basura o dumi ng ibang lugar. Patuloy ang imbestigasyon at posibleng mas marami pang managot.