CLUB FILIPINO, San Juan City — Nanawagan ang mga empleyado mula sa iba’t ibang Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na agad ipatupad ang ikalawang bahagi ng Compensation and Position Classification System o CPCS-2.
Sa naganap na forum ng “The Agenda” nitong Biyernes, Agosto 1, na pinangunahan ni Lolly Acosta, iginiit ni Nanette Jarino-Lati, Pangulo ng Land Bank of the Philippines Employees Association (LBPEA), na patuloy silang nagbibigay ng serbisyo sa kabila ng pagkakait sa ilang benepisyo.
Si Lati, na siya ring Executive Vice President ng National Union of Bank Employees Insurance and Finance Organizations (NUBE), ay nagpahayag na kabilang ang Land Bank sa mga Government Financial Institutions (GFIs) na taon-taong nagbibigay ng bilyong pisong kita sa pamahalaan.
Ayon sa kanya, layunin ng Corporate Governance Council (CGC) para sa GOCCs na isantabi ang pagkakaiba-iba ng suweldo at benepisyo. Ngunit dahil sa mga patakaran ng CGC, nawalan na umano sila ng health care, rice allowance, provident fund, at HMO allowance.
“Simula pandemya, marami sa amin ang namatay, pero tuloy pa rin kami sa pagbibigay ng serbisyo publiko, gaya ng pagproseso ng claims sa SSS, PhilHealth, at Landbank,” ani Lati.
Giit niya, mas naging problematiko ang CPCS-2 kaysa CPCS-1, dahil hindi kinonsulta ang kanilang hanay, at wala silang natanggap na update sa mga suhestyong isinumite.
“Sa 10,400 empleyado ng Land Bank, karamihan ay walang HMO. Dahil sa CGC, limitado ang galaw ng aming Board of Directors,” dagdag pa ni Lati.
Bagamat sinimulan na ang implementasyon ng CPCS-2 noong Oktubre 2024, hindi pa rin ito nararamdaman ng mga empleyado ng GFIs. “Ang SSS nga, dalawang beses nang tumaas ang suweldo, pero kami wala pa rin,” aniya.
Binanggit din ni Lati na hindi pa niya nakukuha ang death benefits ng kanyang asawa dahil nakabinbin pa ang approval ng CPCS-2. Handa raw silang sumulat muli sa mga mambabatas para ipaglaban ang kanilang karapatan.
Humihiling din sila ng exemption mula sa Executive Order 150 upang maibalik ang Collective Bargaining Agreement (CBA), gayundin ang mga benepisyong maaaring umabot sa ₱100,000 bawat empleyado tulad ng rice subsidy at HMO.
“Simula pa 2018, hindi naibibigay ang loyalty allowance naming ₱2,500. Hindi man eksaktong matukoy ang kabuuang halaga ng mga benepisyong hindi naibigay, malinaw na ito’y karapat-dapat naming matanggap,” dagdag ni Lim.
Samantala, sinabi ni Atty. Susan Iduyan, Pangulo ng PhilHealth Independent Employees Association (PICEA), na maraming benepisyo sa ilalim ng CPCS-1 ang itinigil ng CGC nang walang paliwanag. Aniya, maaari silang magsampa ng petition for mandamus upang mapilitang kumilos ang mga opisyal.
“Sa ilalim ng Section 9 ng EO 150, dapat nire-review ang CPCS kada tatlong taon. Simula pa noong Oktubre 2024, wala pa ring inilalabas na resulta ang CGC,” ani Iduyan.
Dagdag pa ni Joseph Ariel Ramirez, Pangulo ng Philippine Deposit Insurance Corporation Employees Organization (PHILDICEO), na mula nang ipatupad ang CPCS-1 noong 2021, hindi pa rin naibibigay nang buo ang mga sahod at benepisyo para sa rank-and-file employees ng GFIs. Aniya, “Ang aming mga apela ay may legal na batayan.”
Ibinahagi naman ni Louie Israel, Pangulo ng Pag-IBIG Fund Employees Labor Association (PAFELA), na patuloy ang Pag-IBIG sa pagproseso ng calamity loan ng mga apektadong empleyado.
Nagpahayag din ng suporta sa panawagan sina Alex Gorembalem, Carl Roxas Jr., at Arnel Manlusoc ng Association of Concerned SSS Employees (ACCESS-SSS), at Leen Lynard Bodos ng PHILDICEO.