ANGONO, Rizal – Nilinaw ni Mayor Gerardo “Gerry” V. Calderon na hindi totoo na laging binabaha ang bayan ng Angono gaya ng ipinakita sa ilang ulat sa telebisyon.
Ayon kay Calderon, mula nang tumama ang Bagyong Ondoy noong 2009, wala nang malawakang pagbaha sa bayan dahil sa isinagawang River Rehabilitation Program ng lokal na pamahalaan katuwang ang Department of Public Works and Highways (DPWH).
“Dati umaabot sa 1,000 ang evacuees namin, ngayon nasa 100 na lang. Kung umapaw man ang lawa, shoreline lang ang apektado. Sa 90% ng Angono, wala nang baha,” paliwanag ng alkalde.
Kasama sa rehabilitasyon ang paghuhukay ng ilog bago lagyan ng retaining wall upang mailabas ang mga nakalubog na imburnal na nagdudulot ng pagbaha noon. “Mabagal man ang proseso, masasabi kong matagumpay ang proyekto,” dagdag pa niya.
Bukod sa solusyon sa baha, ipinresenta rin ni Calderon ang “blueprint” para sa Light Industrial Park Angono Dream (LIPAD) na inaasahang magiging katuparan sa loob ng 10 taon.
Sa ilalim ng planong ito, nakalatag ang mga imprastraktura at programang magbibigay ng mas mabilis na kalakalan at mas maraming hanapbuhay:
– Relokasyon ng mahigit 20,000 pamilya mula sa mga pampang at mabababang lugar tungo sa mas ligtas na komunidad.
– Cemented at widened roads, kasama ang Binangonan–Angono–Taytay Diversion Road.
– Lakeside Ecopark at Coastal Development na may floating restaurant, lagoon, jogging lane, green park, at boat harbor.
– Bagong Angono Municipal Hall, gymnasium, Veterans Memorial, at Barangay Luna second road.
– Pagpapatayo ng Economic Park at pagsuporta sa turismo at mga negosyo.
Ayon kay Calderon, ang pondo para sa mga proyektong ito ay galing sa Congressional coordination at Public-Private Partnership (PPP). Hinihikayat din niya ang malalaking kumpanya at mga mamumuhunan na maglagak ng negosyo sa bayan.
Mula sa taunang badyet na P36 milyon, lumobo na ito sa halos P700 milyon, kung saan 45% ay galing sa Internal Revenue Allotment (IRA). May higit 2,000 negosyo na rin ang rehistrado sa Angono.
“Angono ay 95% peaceful. Maayos matulog dito, at kahit ang munisipyo walang bakod. Walang masamang mangarap—at sa tulong ng LIPAD, nakikita ko ang Angono bilang sentro ng kalakalan at turismo sa Eastern Rizal,” ani Calderon.