image

QUEZON CITY – Inilunsad noong Lunes (Agosto 25) ang “Artikulo Onse: Citizens’ War Against Corruption” sa Quezon Memorial Circle upang paigtingin ang panawagan laban sa katiwalian sa pamahalaan. Nanawagan ang grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bumuo ng isang Independent Commission sa pamamagitan ng Executive Order para imbestigahan ang mga alegasyon ng korapsyon.

Binigyang-diin ng kilusan na nakasaad sa Artikulo 11 ng 1987 Konstitusyon na “Ang posisyon sa gobyerno ay isang tiwala ng bayan.” Kaugnay nito, nakatakda silang maglunsad ng “Shame Campaign” laban sa mga mapapatunayang sangkot sa katiwalian, sa publiko man o pribadong sektor.

Ayon kay Atty. JV Bautista (UNA), matagal nang laganap ang anomalya sa mga proyekto ng gobyerno at dapat maparusahan ang mga tiwali. Iginiit naman ni Erin Tañada (Liberal Party) ang pangangailangan ng tunay na Freedom of Information, habang sinabi ni Ka Leody De Guzman (PLM) na ugat ng korapsyon ang political dynasty. Binatikos din ni Atty. Luke Espiritu (BMP) ang anomalya sa flood control projects na umano’y pinagkakakitaan ng ilang opisyal.

Ayon kay Ricky Rivera, mayroon nang 77 lungsod na katuwang ng Artikulo Onse sa pagdodokumento at pagsasampa ng kaso laban sa mga tiwali.

Dumalo rin sa paglulunsad ang mga kinatawan mula sa NGOs, simbahan, kabataan, civil society, business sector, pati na ang ilang opisyal ng AFP at PNP.

image

imageimage

image