Pililla, Rizal – Ipinahayag ni Mayor John Masinsin ang kanyang pagkabahala sa patuloy na pagtaas ng gastusin ng lokal na pamahalaan sa paghahakot ng basura taon-taon.
Batay sa datos ng LGU, gumastos ang bayan ng ₱5.6 milyon noong 2020, ₱7.7 milyon noong 2022, at umabot na sa ₱9.5 milyon noong 2024 para sa garbage collection. Kasabay nito, tumaas din ang dami ng nakokolektang basura: mula 472 truckload noong 2020, naging 792 truckload na noong 2024.
Ayon kay Masinsin, nakakalungkot na maliit lamang ang itinaas ng populasyon ng Pililla—mula 68,400 noong 2020 tungong 72,500 ngayong 2024 o 5.8%—kumpara sa napakalaking 67.77% na itinaas ng dami ng basura.
“Malaking bahagi ng ating pondo ay nauubos lang para itapon ang basura. Para bang pera na lang din ang itinatapon natin,” pahayag ng alkalde.
Sa tala, ang mga basura ng bayan ay binubuo ng 31.1% nabubulok, 30.6% recyclable, 19.7% disposable, 8.4% residual, at 10.2% special waste. Dahil dito, muling umapela si Masinsin sa kanyang mga kababayan na seryosohin ang segregation, recycling, composting, at iba pang hakbang upang mabawasan ang basura.
Bilang tugon, nagpapatupad na ang LGU ng ilang hakbang gaya ng pagbabawal sa single-use plastics at bottled water sa mga empleyado, at naglagay din ng hotline para sa mga reklamo at isyu sa solid waste management.
“Kung mapapababa natin ang volume ng basura, mas marami pa tayong pondong magagamit para sa iba pang pangangailangan ng ating bayan,” dagdag ni Masinsin.
Mayor John V. Masinsin ng Pililla, Rizal ay seryosong nababahala sa mabilis na pagtaas ng gastusin ng lokal na pamahalaan sa wastong pagkolekta ng basura.