image

Buong suporta ang ibinibigay ng Artikulo Onse: Citizen’s War Against Corruption (CWAC) sa desisyon ng Pangulo na bumuo ng isang independent commission na magiging matatag na bantay laban sa katiwalian sa pamahalaan.

“Malaking hakbang ang pagkakaroon ng isang malaya at makapangyarihang komisyon para maibalik ang tiwala ng taumbayan. Ngunit dapat siguraduhin na tanging mga eksperto, may mataas na integridad, at walang interes sa pulitika o negosyo ang magiging bahagi nito,” pahayag ng grupo.

Iginiit ng Artikulo Onse na mga dalubhasa at may malinis na pangalan lamang ang dapat mahalal sa komisyon upang maiwasan ang pagbagsak ng mga institusyon, tulad ng naranasan ng ibang bansa gaya ng Indonesia, na biktima ng malawakang katiwalian.

Bilang pagsunod sa Article XI ng 1987 Konstitusyon na nagsasabing “Public office is a public trust,” pinaaalalahanan ng kilusan ang lahat ng opisyal ng gobyerno na ang kanilang kapangyarihan ay nakabatay sa tiwala ng mamamayan. Kailangang pangalagaan ang tiwalang ito sa pamamagitan ng integridad, pananagutan, at tapat na paglilingkod.

Nanindigan din ang Artikulo Onse na mananatili silang : handang maglahad ng ebidensya, isulong ang transparency, at palakasin ang kampanya laban sa katiwalian. Bukas din silang makipagtulungan sa bagong komisyon para maabot ang layunin ng isang maka-Diyos at makatarungang lipunan na walang puwang para sa katiwalian.

Stop Corruption. Walang puwang ang katiwalian sa maka-Diyos na bayan.

———————————————————————————————————————————————————————————————-

Ang Artikulo Onse o Citizen’s War Against Corruption (CWAC) ay isang kilusan ng mga Pilipinong naglalayong ibunyag ang katiwalian, mangalap ng ebidensya, at isulong ang pananagutan ng mga tiwaling opisyal sa gobyerno at pribadong sektor. Hango sa Article XI ng 1987 Konstitusyon, naniniwala ang grupo na ang serbisyo publiko ay isang tiwala ng bayan—na dapat isabuhay sa pamamagitan ng integridad, pananagutan, patriotismo, at katarungan.