QUEZON CITY — Isinagawa ng Bureau of Fire Protection (BFP), sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ang sabayang panunumpa ng mga bagong na-promote na tauhan nitong Miyerkules, Oktubre 1, sa National Headquarters ng BFP sa Brgy. Pag-asa, Quezon City.
Pinangunahan ni BFP Chief Director Jesus Vidad Fernandez ang sabayang panunumpa at seremonya ng paggawad ng bagong ranggo sa kabuuang 135 junior commissioned officers (COs) at 2,200 non-commissioned officers (NCOs) mula sa iba’t ibang panig ng bansa. Katuwang niya sa seremonya ang BFP Command Group na nagsagawa ng donning of ranks o opisyal na pagsuot ng mga bagong ranggo ng mga na-promote na opisyal.
Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni Fernandez ang pasasalamat sa Selection and Promotions Board (SPB) sa patas at masusing proseso ng pagpili, gayundin sa mga pamilya ng mga opisyal na naging katuwang nila sa kanilang serbisyo at promosyon.
“Binabati ko kayong lahat. Inaasahan naming mas lalo pa kayong lalago sa inyong trabaho at sa personal na buhay sa bago ninyong tungkulin. Kayo ang susunod na henerasyon ng mga lider—gawin ninyo ang inyong tungkulin nang buong sipag at dedikasyon,” ani Fernandez.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng propesyonalismo, integridad, at dedikasyon sa tungkulin bilang pamantayan ng bagong antas ng kanilang karera. Dagdag pa niya, inaasahan na ang mga bagong opisyal ay magsisilbing halimbawa at inspirasyon sa kanilang mga kasamahan sa hanay ng BFP.
“Patuloy tayong maglingkod nang may dangal at kahusayan upang magdala ng mas maliwanag na kinabukasan sa ating mga komunidad,” dagdag pa ni Fernandez.
Kasabay nito, nilinaw ng BFP Chief na hindi na ililipat ang mga bagong-promote na opisyal dahil sila ay nakatalaga na sa kani-kanilang mga lugar ng assignment sa buong bansa. Aniya, ang promosyon ay magsisilbing dagdag motibasyon upang mas mapahusay ang kanilang serbisyo sa publiko, lalo na sa pagpapanatili ng kaligtasan at kapakanan ng mamamayan laban sa sunog at iba pang sakuna.
Sa pamamagitan ng sabayang panunumpang ito, ipinakita ng BFP ang kanilang pagpapatuloy sa pagpapaunlad ng hanay at pagtitiyak na ang mga bagong lider ay handang gampanan ang mas mataas na responsibilidad tungo sa mas mahusay at mas episyenteng serbisyo publiko.

