MAYNILA — Kumalas sa samahang Magnificent 7 ang anim na malalaking grupo ng pampublikong transportasyon sa bansa, kabilang ang Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas (LTOP), FEJODAP, STOP N GO, ACTO, ACTONA, at UV Express.
Ayon sa mga lider ng mga grupong ito, napagpasyahan nilang kumalas dahil umano sa kakulangan ng pagkakaisa at sa mga desisyong hindi nakabubuti sa buong transport sector. Nais nilang itaguyod ang mas bukas, tapat, at patas na samahan ng mga driver at operator sa buong bansa.
Bilang tugon, bumuo sila ng bagong samahan na tatawaging United National Public Transport Organization of the Philippines Inc. (UNPTOP Inc.), na kasalukuyang isinasapinal ang pagpaparehistro. Layunin ng UNPTOP Inc. na pagsamahin muli ang mga grupo sa iisang layunin—ang pagtataguyod ng kapakanan ng mga tsuper, operator, at commuters.
“Hindi namin layunin ang makipag-away, kundi ang magpatuloy sa adbokasiya para sa maayos at makataong modernisasyon ng pampublikong transportasyon,” pahayag ni
Dagdag ng FEJODAP, ACTO, at iba pang kasaping grupo, ang UNPTOP Inc. ay magsisilbing simbolo ng bagong simula at pagkakaisa sa hanay ng mga tsuper at operator sa buong bansa.
Ang Magnificent 7 ay alyansa ng mga pangunahing transport organization na unang nabuo upang maging boses ng mga jeepney driver at operator sa usapin ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program ng pamahalaan. Ngunit ayon sa mga kumalas na grupo, nawalan ito ng pagkakaisa at tiwala sa pamunuan.
Nanindigan ang mga grupo na sa pamamagitan ng UNPTOP Inc., magkakaroon ng bagong direksyon at pagkakaisa ang sektor ng transportasyon tungo sa mas patas at makatarungang kinabukasan.