Upang matulungan ang mga pasahero na magkaroon ng ligtas, maayos, at maginhawang lugar habang naghihintay ng masasakyan, binuksan ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina at Department of Transportation (DOTr) noong Martes, Oktubre 7, 2025, ang dalawang bagong Public Utility Vehicle (PUV) Stops sa lungsod.
Ayon kay Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro, ang proyekto ay bahagi ng inisyatibo ng DOTr na magtayo ng kabuuang anim na PUV stops sa Metro Manila—dalawa rito ay itinayo sa Marikina: isa sa tabi ng Concepcion Elementary School at isa pa malapit sa San Roque Elementary School.
“Nakipag-ugnayan kami sa DOTr para maisakatuparan ang proyektong ito. Gusto naming matiyak na may ligtas, maginhawa, at accessible na hintuan ng sasakyan para sa mga Marikeño,” pahayag ni Mayor Teodoro.
“Masuwerte tayo dahil dalawa sa anim na PUV stops ay dito sa Marikina inilagay. Ito ay tugma sa programa natin para sa ligtas at sustainable na transportasyon,” dagdag pa niya.
Ang mga bagong PUV Stops ay dinisenyo upang maging inclusive, ligtas, at eco-friendly, at may mga upuan para sa senior citizens, buntis, at PWDs, CCTV cameras, ilaw, at tactile pavers para sa mga may kapansanan sa paningin. Mayroon din itong solar panels, charging stations, bike repair areas, at map panels para sa mas maayos at organisadong biyahe ng mga mamamayan.
“Ang bawat PUV Stop ay idinisenyo para sa lahat ng commuters. Layunin nitong bigyan ng mas maginhawang lugar ang mga pasahero habang naghihintay ng masasakyan,” ani Teodoro. “Ito ay bahagi ng pangako ng Marikina sa sustainability at aktibong transportasyon.”
Nagpasalamat din ang alkalde kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., DOTr Secretary Giovanni Lopez, at sa buong kagawaran sa pagpili sa Marikina bilang isa sa mga benepisyaryo ng proyekto.
“Maraming salamat kay Pangulong Marcos at sa DOTr sa pagbibigay ng dalawang PUV Stops para sa mga Marikeño. Malaking tulong ito sa ating mga commuters,” ani Teodoro.
Ayon naman kay DOTr Secretary Lopez, natupad ang proyekto dahil sa aktibong pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan ng Marikina.
“Magagawa lang po namin ito sa malapit na pakikipagtulungan sa LGU sa pangunguna ni Mayor Maan. Siya mismo ang nag-request nito para sa kanyang mga kababayan,” pahayag ni Lopez.
Binigyang-diin ni Mayor Teodoro na ang ganitong mga proyekto ay patunay ng sama-samang pagsisikap ng pambansang at lokal na pamahalaan upang mapabuti ang pang-araw-araw na karanasan sa pagbiyahe ng publiko.
“Ang mga PUV Stops na ito ay hindi lang hintuan ng sasakyan, kundi simbolo ng maayos, ligtas, at makabagong transportasyon para sa bawat Marikeño,” pagtatapos ni Mayor Teodoro.