image

image

PREPARASYON PARA SA ‘THE BIG ONE’. Sinuri ni Mayor Maan Teodoro ang mga kagamitang gagamitin sa search and rescue operations, kabilang ang vibroscope, sa harap ng Marikina City Hall bago isinagawa ang city-wide earthquake drill noong Lunes, Oktubre 20, 2025.

MAYNILA — Mahigit 150,000 residente ng Marikina ang lumahok sa sabayang earthquake drill na isinagawa ng lokal na pamahalaan nitong Lunes, Oktubre 20, 2025, bilang paghahanda sa malakas na lindol na tinatawag na “The Big One.”

Ang “The Big One” ay tumutukoy sa posibleng lindol na may lakas na magnitude 7.2 o higit pa na maaaring tumama sa Metro Manila sa kahabaan ng West Valley Fault.

Ayon kay Mayor Maan Teodoro, layunin ng aktibidad na palakasin ang kahandaan, disiplina, at pagtutulungan ng mga taga-Marikina sa oras ng sakuna. “Ang kaligtasan ng lahat ay tungkulin ng bawat isa. Dapat laging sama-sama at tulong-tulong ang buong komunidad,” ani Mayor Maan.

Tinatayang 100,000 estudyante at guro mula sa mga paaralan ang nakilahok, habang nasa 50,000 naman ang mula sa mga komunidad at pribadong sektor.

Sa bahagi ng drill, sinuri ni Mayor Maan ang mga kagamitan ng lungsod para sa disaster response gaya ng ambulansya, fire truck, DRRM vehicles, command posts, at field hospitals. Mayroon din umanong sapat na tauhan at search-and-rescue equipment gaya ng vibroscope na ginagamit sa paghahanap ng mga biktimang naipit sa guho.

Tinukoy ng Marikina City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang ilang ligtas na lugar o safe zones sa bawat barangay kung saan maaaring tumungo ang mga residente kapag may lindol. Pinayuhan naman ng CDRRMO ang bawat pamilya na tukuyin din ang pinakamalapit na open space sa kanilang tahanan.

“Hindi kailangang lumayo. Mas mainam kung may alam na kayong open space malapit sa inyong bahay,” paalala ni CDRRMO Chief Dave David.

Bago ang drill, pinangunahan ni Mayor Maan ang pulong noong Oktubre 16 kasama ang mga opisina ng pamahalaan, ahensya, at iba pang grupo upang matiyak na magiging maayos at ligtas ang pagsasagawa ng aktibidad.

“Hindi ito para manakot kundi para maging handa. We can never be ready enough, pero tungkulin nating gawin ang lahat ng ating makakaya,” ani Mayor Maan.

image

image

image