MAYNILA — Pinaigting ng Bureau of Customs (BOC) at Land Transportation Office (LTO) ang kanilang pagtutulungan upang higpitan ang pagpaparehistro ng mga inangkat na sasakyan at labanan ang smuggling sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) noong Oktubre 21, 2025.
Pinirmahan ang kasunduan nina LTO Chairman Assistant Secretary Marcus V. Lacanilao, Atty. Martin Ontog, BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, Atty. Jek Casipit, at Assistant Commissioner Anthony Vincent Maronilla.
Ayon kay Nepomuceno, layunin ng kasunduan na palakasin ang koordinasyon at transparency sa pagpapatupad ng mga batas hinggil sa mga inangkat na sasakyan. “Ang pakikipagtulungan namin sa LTO ay patunay ng aming iisang layunin — ang maging tapat at epektibo sa pagproseso ng mga inangkat na sasakyan,” aniya.
Kasama sa MOA ang pagpapalitan ng impormasyon ng dalawang ahensya, kabilang ang Certificates of Payment, Certificates of Registration, at Official Receipts. Bubuo rin ng Task Force na tututok sa mga ilegal na inangkat na sasakyan na lumalabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ayon naman kay Lacanilao, ang MOA ay hindi lamang seremonya kundi tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa ganap na digitalization ng sistema ng rehistrasyon at monitoring ng datos upang matiyak ang transparency at maiwasan ang pandaraya.
Dagdag ni Nepomuceno, mas lalakas pa ang kampanya laban sa pagpupuslit sa pamamagitan ng mas matatag na ugnayan ng LTO at BOC. Layon ng kasunduan na maprotektahan ang publiko laban sa pandaraya, maiwasan ang hindi patas na kompetisyon, at masiguro ang maayos na pangongolekta ng kita ng pamahalaan.
Sa loob ng 30 araw mula sa paglagda, magtatatag ang dalawang ahensya ng Joint Technical Working Group (TWG) na maghahanda ng mga patakaran para sa epektibong pagpapatupad ng kasunduan.
Ipinapakita nito ang patuloy na pagsisikap ng BOC at LTO na gawing moderno, tapat, at transparent ang kanilang serbisyo sa publiko. PHOTO By: BEN BRIONES