Layuning palakasin ng Japan ang kabuhayan at oportunidad sa trabaho ng mga taong may kapansanan sa pamamagitan ng bagong grant project sa Cainta.
Cainta, Rizal — Ipinagkaloob ng Pamahalaang Hapones, sa pamamagitan ng Embahada ng Japan, ang Grant Assistance for Grass-roots Human Security Project (GGP) sa Tahanang Walang Hagdanan, Inc. (TWHI) sa Barangay Sto. Domingo, Cainta, Rizal noong Huwebes, Oktubre 23.
Ang TWHI ay isang non-stock, non-profit, at non-government organization (NGO) na nagbibigay ng kabuhayan at oportunidad sa mga taong may kapansanan (PWDs).
Ayon kay Felix “Nonoy” Gonzalez Jr., Pangulo at CEO ng TWHI, lubos ang kanilang pasasalamat sa Embahada ng Japan at sa mamamayang Hapones sa mga kagamitang ipagkakaloob para sa kapakanan ng mga PWDs sa Cainta. Pinapasalamatan din niya sina Dr. Angel at Angelita B. Evangelista, EVP/COO ng TWHI, na nagsabing ang proyektong ito ay nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱3.2 milyon.
Kabilang sa mga kagamitan ang mga makinarya para sa woodcraft, metal craft, at paggawa ng handicrafts tulad ng eco-bags at wheelchair na produkto ng TWHI. “Higit sa lahat, ang proyektong ito ay para sa mga tao,” ani Evangelista.
Sa seremonya, pormal na ipinasa ng Embahada ng Japan ang simbolikong susi ng proyekto sa TWHI.
Ayon kay Virginia S. Rabino, Planning Officer II ng National Council on Disability Affairs (NCDA), mas mababa pa rin ang employment rate ng mga PWD kumpara sa mga walang kapansanan, kaya mahalaga ang tulong na ito. Dagdag pa niya, matagal nang katuwang ng NCDA ang TWHI sa loob ng mahigit limang dekada.
Dumalo rin sa turnover si Atty. Maria Kaye Ylagan, Board Member ng unang distrito ng Rizal, at si Rizal Governor Nina Ricci Ynares.
Ayon kay Yurie Mukaigawa, Second Secretary ng Embahada ng Japan, “Ikinararangal naming maging bahagi ng proyektong ito. Sa pamamagitan ng GGP at ODA (Overseas Development Assistance), patuloy kaming sumusuporta sa mga Pilipinong kabilang sa mga marupok na sektor.”
Nagkaloob ang pamahalaang Hapones ng US$55,229 (humigit-kumulang ₱3.2 milyon) halaga ng mga kagamitan at pasilidad upang mapabuti ang kabuhayan ng 290 PWDs na nagtatrabaho sa TWHI.
Sinabi rin ni Mukaigawa na taon-taon ay nagbibigay sila ng tulong sa TWHI at dalawang beses kada taon sa mga lokal na pamahalaan sa Pilipinas sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA).
Pinuri naman ni Gov. Ynares ang TWHI sa patuloy nitong pagbibigay-inspirasyon at oportunidad sa mga PWDs. “Ipinagmamalaki namin sa Rizal ang talento, kasanayan, at determinasyon ng ating mga PWDs,” aniya. Dagdag pa niya, patuloy ang suporta ng pamahalaang panlalawigan sa TWHI sa pamamagitan ng pagbili ng kanilang mga produkto tulad ng mga upuan para ipamahagi sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Ang Tahanang Walang Hagdanan ay gumagawa ng mga handcrafted toys at wheelchair gamit ang mga materyales na mula pa sa Ireland, Belgium, at Germany.

