image

LUNGSOD NG MARIKINA — Tiniyak ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina na magiging maayos, ligtas, at mapayapa ang pagdiriwang ng Undas 2025 sa lungsod, matapos magsagawa ng inspeksiyon sa lahat ng sementeryo bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa dagsa ng mga dadalaw sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Tinatayang aabot sa 600,000 katao ang dadalaw sa mga sementeryo sa lungsod ngayong Undas.

Pinangunahan nina Mayor Maan Teodoro at Marikina 1st District Representative Marcy Teodoro ang inspeksiyon sa mga sementeryo noong Miyerkules at Huwebes, Oktubre 29–30. Kabilang sa mga sinuri ang ang Loyola Memorial Park, Barangka Municipal Cemetery, Aglipay Cemetery, Holy Child Cemetery, Our Lady of the Abandoned (OLA) Cemetery, at St. Paul of the Cross Parish Columbarium.

Ayon sa lokal na pamahalaan, nakipag-ugnayan na ang Marikina City sa Disaster Risk Reduction and Management Office (MCDRRMO), Marikina City Police, at iba pang kaukulang ahensiya upang tiyakin ang seguridad, kalinisan, at maayos na daloy ng trapiko sa paligid ng mga sementeryo. Magtatalaga rin ng mga first aid station at help desk upang agad na makapagbigay ng tulong sa publiko kung kinakailangan.

Hinimok naman ni Mayor Maan Teodoro ang mga residente at bisita na sundin ang mga alituntunin sa loob ng mga sementeryo at makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan. Dagdag pa niya, ang disiplina at kooperasyon ng bawat isa ang susi sa ligtas at maayos na paggunita ng Undas 2025 sa Marikina.