LUNGSOD NG QUEZON — Kasunod ng pag-anunsyo ng positibong resulta ng kanilang pananalapi, ipinahayag ng Government Service Insurance System (GSIS) na patuloy nitong pinaiigting ang mahigpit at maayos na mga patakaran sa proseso ng pamumuhunan upang matiyak ang ligtas at matatag na paglago ng pondo ng mga miyembro.
Sa media forum na “The Agenda” na pinangunahan ni Atty. Siegfred Mison, ipinaliwanag ni GSIS President at General Manager Wick Veloso na ang kanilang tagumpay ay nakabatay sa disiplina at malinaw na mga prinsipyo sa pamamahala ng pondo.
“Napakahalaga ng disiplina,” ayon kay Veloso. “Tumatanggap kami ng kontribusyon na 21%, ngunit kailangan naming magbayad ng pensiyon na maaaring umabot sa 90% ng karaniwang sahod ng miyembro sa huling tatlong taon ng kanyang serbisyo. Kailangang tiyakin ng aming investment strategy na matugunan ang pagkakaibang iyon.”
Dagdag pa niya, walang puwang para sa madaliang desisyon dahil dumaraan sa maraming pagsusuri ang bawat panukalang pamumuhunan. Tinitingnan muna ito ng internal research office, Assets and Liabilities Committee, at Risk Oversight Committee bago pa man ito iakyat sa buong Board para pagbotohan.
Bilang isang investment banker sa loob ng mahigit apat na dekada, binigyang-diin ni Veloso ang kahalagahan ng pagsunod sa pinakamahigpit na patakaran sa pangangasiwa ng pera ng iba.
Ang ganitong maingat na pamamaraan, na nakabatay sa mga prinsipyong Liquidity (madaling mapalabas na pondo), Safety (kaligtasan), at Yield (tamang kita), ang dahilan ng magandang kita ng GSIS ngayong taon — umabot sa ₱112 bilyon ang net income hanggang Setyembre, at may kabuuang asset na ₱1.92 trilyon. Dahil dito, masiguro ang pondo ng GSIS hanggang taong 2058.
Sa pagtatapos, binigyang-diin ni Veloso na mananatiling nakatuon ang GSIS sa tapat, propesyonal, at maingat na pamamahala ng pondo upang maprotektahan ang ipon ng mga miyembro at matiyak ang kanilang pensiyon sa oras ng pagreretiro.
 
						

 
			 
			
