image

LUNGSOD NG QUEZON — Mas pinaigting ng pamahalaan ang pangangalaga sa seguridad sa pagkain at katatagan ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa pamamagitan ng dalawang bagong kautusang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. — ang Executive Order (EO) No. 100 at EO No. 101 — na kapwa naglalayong itaas ang kita ng mga magsasaka at mangingisda at tiyaking may sapat at abot-kayang pagkain para sa lahat.

Ang EO No. 100 ay nagtatakda ng floor price o pinakamababang presyo ng palay upang maprotektahan ang mga magsasaka laban sa mapagsamantalang kalakalan at matiyak ang patas na kita, habang nananatiling abot-kaya ang presyo ng bigas para sa mga mamimili. Inaatasan nito ang Department of Agriculture (DA) na tukuyin at regular na i-update ang floor price batay sa gastos sa produksyon, kondisyon ng merkado, at kapakanan ng mga magsasaka.

Bubuuin din ang isang Steering Committee na binubuo ng DA, DILG, DTI, DSWD, DAR, at NFA upang tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng kautusan. Pansamantalang maaaring gamitin ang mga pampublikong pasilidad tulad ng covered courts at multipurpose halls bilang imbakan kung kinakailangan.

Samantala, ang EO No. 101 ay nag-uutos sa lahat ng ahensya ng pamahalaan, GOCCs, SUCs, at LGUs na ganap na ipatupad ang Sagip Saka Act o Republic Act No. 11321 sa pamamagitan ng Farmers and Fisherfolk Enterprise Development (FFED) Program. Layunin nitong palakasin ang direktang pagbili mula sa mga kooperatiba at samahan ng mga magsasaka at mangingisda upang mabigyan sila ng mas malawak na merkado at matanggal ang mga hadlang sa pagbebenta ng kanilang produkto.

Magtatatag din ng mga Sagip Saka Desk sa mga tanggapan ng DA sa rehiyon upang tulungan ang mga magsasaka sa pagpaparehistro, koordinasyon, at pagpapaunlad ng kanilang kabuhayan.

Ayon kay Pangulong Marcos Jr., “Kailangang tulungan natin ang ating mga magsasaka at mangingisda na makaahon sa kahirapan sa pamamagitan ng pagpapalakas sa kanilang kakayahan upang maging mas produktibo at magkaroon ng mas mataas na kita.”

Ang dalawang kautusang ito ay resulta ng special caucus na inorganisa ng Department of Agrarian Reform (DAR) noong Oktubre sa Quezon City, na dinaluhan ng mga pangunahing opisyal ng pamahalaan upang pag-usapan ang pagbaba ng presyo ng palay at mga problemang kinakaharap ng mga magsasaka.

Kabilang sa mga lumahok sina Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III, Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., House Speaker Faustino “Bojie” Dy III, NFA Administrator Larry Lacson, Rep. Eleanor Bulut-Begtang, at Sen. Francis “Kiko” Pangilinan.

Sa pagpupulong, binigyang-diin ni Secretary Estrella ang pangangailangan ng pagkakaisa at koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno:
“Ang ating mga magsasaka ng palay ang gulugod ng seguridad sa pagkain ng bansa. Nanawagan tayo sa lahat ng ahensya at GOCCs na direktang bumili ng lokal na bigas at magbigay ng tiyak na merkado sa ating mga magsasaka.”

Ayon pa kay Estrella, malaki ang maitutulong ng dalawang EO sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) dahil matitiyak ang tamang presyo ng ani, mas malalawak na merkado, at mas matatag na kabuhayang pang-agrikultura sa kanayunan.
“Ang mga kautusang ito ay patunay ng matatag na pagtutok ng pamahalaan sa kapakanan at dignidad ng ating mga magsasaka. Sa pamamagitan ng patas na presyo at direktang pagbili mula sa lokal na produksyon, bumubuo tayo ng mas inklusibong sektor ng agrikultura,” aniya.

Isinagawa rin ng Department of Agriculture (DA) at Department of Agrarian Reform (DAR) ang isang joint press conference noong Nobyembre 6, 2025 sa DAR Central Office, Quezon City, upang talakayin ang implementasyon ng EO 100 at EO 101.

Kabilang sa mga dumalo sa forum sina DA Secretary Laurel, DAR Secretary Estrella, Sen. Pangilinan, NFA Administrator Lacson, Rep. Wilfrido Mark Enverga, Zamboanga del Norte Gov. Darel Dexter Uy, at Food Terminal Inc. President Joseph Randolph Lo.

Buong suporta ang ipinahayag ng mga ahensya ng gobyerno sa dalawang kautusan na inaasahang magpapatibay sa seguridad sa pagkain, magpapanatili ng matatag na presyo ng bigas, at magtataguyod ng mas maunlad na pamayanang rural.

image

image

image

FORUM UKOL SA KAPAKANAN NG MGA MAGSASAKA. Nagsagawa ang Department of Agriculture (DA) at Department of Agrarian Reform (DAR) ng joint press conference noong Nobyembre 6, 2025 sa DAR Central Office, Quezon City upang talakayin ang pagpapatupad ng Executive Order (EO) No. 100 at EO No. 101. Dumalo sa forum sina (mula kaliwa) National Food Authority Administrator Larry Lacson, Quezon 1st District Rep. Wilfrido Mark Enverga, DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., DAR Secretary Conrado Estrella III, Sen. Francis Pangilinan, Zamboanga del Norte Gov. Darel Dexter Uy, at Food Terminal Inc. President and CEO Joseph Randolph Lo. ( kuhang larawan ni BEN BRIONES)