MARIKINA CITY — Bilang paghahanda sa paparating na Bagyong Uwan (international name: Fung-Wong), nagsagawa ng inspeksiyon si Marikina City Mayor Maan Teodoro sa mga evacuation center upang tiyakin ang kahandaan ng lungsod sakaling kailanganing lumikas ang mga residente.
Kabilang sa mga pasilidad na sinuri ang mga modular tent, pet cages, at hiwalay na silid para sa mga senior citizen, PWDs, at buntis. Tiniyak din ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na sapat ang suplay ng pagkain, tubig, gamot, at hygiene kits, habang nakahanda rin ang mga medical team at social workers.
Ayon kay Mayor Teodoro, “Ang maagang paghahanda ang susi sa kaligtasan ng ating mga mamamayan.”
Batay sa ulat ng PAGASA, si Uwan ay may lakas ng hangin na 120 kph at bugso na 150 kph, at inaasahang tatama sa southern Isabela o northern Aurora sa Linggo ng gabi o Lunes ng madaling araw. Maaaring ito ay lumakas pa at maging super typhoon, na posibleng makaapekto sa mahigit 8.4 milyong tao sa Luzon.
Ayon naman kay CDRRMO Chief Elmer Nebrija, patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga barangay at pagbabantay sa kondisyon ng panahon. “Hinihiling namin sa mga residente na manatiling alerto at agad lumikas kung kinakailangan,” aniya.
Patuloy na pinaaalalahanan ng lokal na pamahalaan ang lahat na maghanda ng emergency kit at sumunod sa mga abiso ng awtoridad upang matiyak ang kaligtasan sa gitna ng bagyo.

