MAYNILA, PILIPINAS (Nobyembre 10, 2025) — Tiniyak ng Manila Electric Company (Meralco) na patuloy ang kanilang mga crew sa ligtas na pagpapanumbalik ng kuryente sa mga lugar na naapektuhan ng Super Typhoon Uwan (Fung-Wong).
Ayon sa pinakahuling ulat ng Meralco, bumaba na sa 197,000 ang bilang ng mga customer na walang kuryente mula sa mahigit 400,000 noong hatinggabi. Karamihan sa mga apektado ay mula sa Cavite, Bulacan, Quezon, at Metro Manila, habang mayroon din sa Rizal, Laguna, at Batangas. Tinatayang 10,000 ang nasa mga binahang lugar.
“Nananatiling alerto ang Meralco habang patuloy ang masamang panahon. Humihingi kami ng pang-unawa sa publiko dahil inuuna namin ang kaligtasan ng mga komunidad at ng aming mga crew,” ayon kay Joe R. Zaldarriaga, Vice President at Head ng Corporate Communications ng Meralco.
Nagbigay rin ng paalala ang Meralco sa mga customer na:
Patayin ang main switch o circuit breaker kung may baha.
Siguraduhing tuyo ang kamay bago humawak ng kuryente o appliances.
Alisin sa saksakan ang mga gamit at huwag munang gamitin ang mga nabasa.
Ipasuri muna sa lisensyadong electrician ang mga kable bago muling gamitin.
Hinikayat ng Meralco ang publiko na panatilihing fully charged ang mga cellphone at iba pang gadget para sa komunikasyon at balita, at maging mapanuri sa mga impormasyong ibinabahagi online.
Para sa mga ulat o reklamo sa kuryente, maaaring makipag-ugnayan sa My Meralco app, Facebook page (facebook.com/meralco), X/Twitter (@meralco), o tumawag sa Meralco Hotline 16211.

