WPAC: Marcos-Duterte Bangayan, Pantakip sa Korapsyon; Manggagawa, Tutungo sa Luneta sa Nob. 30

Nagpahayag ngayong araw ang Working People Against Corruption (WPAC), isang malawak na network ng mga unyon, organisasyon, at alyansa ng manggagawa, na magsasagawa sila ng malaking mobilisasyon sa Nobyembre 30.

 

Mariing kinondena ng WPAC ang palitan ng batikos at sisihan ng kampo nina Pangulong Bongbong Marcos at dating VP Sara Duterte, na anila’y taktika lamang upang ilihis ang atensyon ng publiko sa malalim at laganap na korapsyon na nakinabang sila.

 

Ayon kay Ed Kline, WPAC spokesperson at miyembro ng SkyCable Supervisory Union, malaking insulto sa mga manggagawa ang walang tigil na turuan habang sila ay hirap sa maliit na sahod at pangambang mawalan ng trabaho.

 

“Tanggalin ang mga magnanakaw, hindi ang manggagawa!” giit niya.

Binalaan din ng grupo ang mga manggagawa at publiko laban sa umano’y pampulitikang pagpapapogi nina Marcos at Duterte—mula sa mga pagbibitiw sa gabinete hanggang sa mga pahayag na nag-aangkin ng kawalang-alam sa mga isyu, gaya ng pagkaka-impeach ng OVP dahil sa maling paggamit ng pondo.

 

Ayon naman kay Joann Saballegue, WPAC spokesperson at chairperson ng Samahan ng Manggagawa ng Kristyanong Pamayanan, malinaw na hindi dapat malinlang ang taumbayan.

 

“Ang korapsyon ay laban ng mamamayan kontra sa mga kawatan. At dito, ang ulo—sina Marcos at Duterte—ang pinakamabaho,” aniya.

 

Idinagdag ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na hindi kailangang mamili ng mamamayan sa dalawang nagbabangayang grupo.

 

Ayon kay Mary Ann Castillo, KMU Secretary General:

“May alternatibo tayo—ang gobyerno ng mamamayan. Sa pagkakaisa natin, masisiguro nating hindi muling mapupunta sa mga gahaman ang kapangyarihan.”

 

Magtitipon ang libo-libong manggagawa at kanilang mga kaalyado sa Luneta sa Nobyembre 30 para manawagan ng hustisya, pananagutan, at wakas sa korapsyon.

Facebook Comments