Kampanya Laban sa Droga, Pinangunahan ng Mandaluyong LGU

Muling nagtipon ang Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong kasama ang libo-libong residente upang isagawa ang Lakad Kontra Droga, isang malawakang aktibidad na layuning palakasin ang kampanya ng lungsod para sa isang komunidad na ligtas at malaya sa ilegal na droga. Pinangunahan ito nina Mayor Menchie Abalos, Vice Mayor Anthony Suva, dating DILG Secretary Atty. Benhur Abalos, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, at Dangerous Drugs Board Chairperson Secretary Oscar Valenzuela.

 

Umabot sa humigit-kumulang 7,000 katao ang nakiisa bilang pagpapakita ng kanilang suporta sa pagwawakas ng pagdiriwang ng Drug Abuse Prevention and Control Week na may temang “Sa Bagong Pilipinas, Kalusugan ay Pinapahalagahan, Droga ay Inaayawan.”

Nagsimula ang dalawang kilometrong paglalakad dakong 5:30 ng umaga sa San Francisco Street at nagtapos sa Nueve de Febrero Street, kung saan idinaos ang isang maiksing programa. Sa programa, muling ipinaalala ng mga opisyal ang kahalagahan ng pagkakaisa ng pamahalaan at mamamayan upang mapanatiling ligtas, disiplinado, at maunlad ang komunidad.

 

Layon ng Lakad Kontra Droga na bigyang-diin ang tuloy-tuloy na adbokasiya ng Mandaluyong laban sa ilegal na droga, gayundin ang paghikayat sa bawat residente—lalo na sa kabataan—na umiwas sa anumang bisyo at maging aktibong katuwang sa pagtataguyod ng isang mas maayos at mas ligtas na lungsod. Ang naturang gawain ay patunay ng matatag na paninindigan ng lungsod na protektahan ang kalusugan, kapakanan, at kinabukasan ng mga Mandaleño.

Facebook Comments