MARIKINA CITY — Ipinagdiwang ng Lungsod ng Marikina ang ika-29 Anibersaryo ng Pagiging Lungsod kasabay ng pormal na paglulunsad ng “Paskong Marikina, Paskong Pag-asa” nitong Lunes (Dec. 8) sa Plaza De Los Alcaldes. Pinangunahan nina Mayor Maan Teodoro at Cong. Marcy Teodoro ang pag-iilaw ng higanteng Christmas tree, na nagsilbing hudyat ng pagbubukas ng kapaskuhan sa lungsod.
Dinaluhan ang programa ng mga opisyal ng pamahalaang lungsod, mga konsehal, homeowners associations, community organizations, at iba’t ibang sektor mula sa komunidad. Tampok sa pagdiriwang ang pagtatanghal na “Ang Liwanag ng Marikina,” na inihandog ng mga estudyante at cultural groups mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Marikina, DepEd Marikina, at iba pang paaralan. Inilalarawan sa palabas ang kasaysayan at kultura ng lungsod, kabilang ang pag-usbong nito bilang Shoe Capital of the Philippines at ang mahahalagang ambag nina Pedro “Kapitan Moy” Guevarra at Doña Tereza Dela Paz Tuazon.
Binigyang-pugay rin ang katatagan ng mga Marikeño noong panahon ng Covid-19 pandemic. Ipinakita rin ang trailer ng pelikulang “Reconnect,” kalahok sa Metro Manila Film Festival, na tumatalakay sa epekto ng digital disconnection.
Nagbigay-saya sa mga dumalo ang biglaang pagdating nina Bela Padilla at Gerald Anderson, na naglaro noon para sa Marikina Shoemakers.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Mayor Maan ang mga residente at organisasyon sa kanilang patuloy na suporta at pagtutulungan. Binanggit niya na patuloy ang “Alagang Marikina” upang matiyak na walang maiiwan, at iginiit na “Ang Paskong Marikina ay Paskong may Pag-asa.”
Nagtapos ang pagdiriwang sa pag-iilaw ng Christmas tree at isang engrandeng fireworks display.