Pamaskong Handog 2025: Go Bag at gift packs, ipinamahagi sa Mandaluyong

MANDALUYONG CITY — Pinangunahan ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos ang sabayang pamamahagi ng Pamaskong Handog 2025 nitong Linggo ng umaga, Disyembre 14, sa iba’t ibang barangay ng lungsod.

Nagsimula bandang alas-7:00 ng umaga ang pamimigay sa Sen. Neptali Gonzales Street, kanto ng A. Bonifacio Street, malapit sa Hagdan Bato Libis at Hagdan Bato Itaas Barangay Hall. Ayon sa alkalde, tinatayang nasa 275,000 hanggang 300,000 pamilya ang nabiyayaan ng pamaskong handog ngayong taon mula sa humigit-kumulang 450,000 populasyon ng Mandaluyong.

Binigyang-diin ni Mayor Abalos na lahat ng residente ng lungsod ay pantay-pantay na nakikinabang sa programa. “Sa Pamaskong Handog ng Mandaluyong, walang mahirap at walang mayaman. Nangungupahan man, nakatira sa condominium o subdivision, pare-pareho ang matatanggap ng bawat pamilya,” ani ng alkalde.

Nakilahok din sa pamimigay ang lahat ng konsehal at mga kinatawan ng lungsod, na may kanya-kanyang barangay na pinuntahan upang tiyaking maayos at mabilis ang distribusyon. Dagdag pa ni Mayor Abalos, isang araw lamang isinagawa ang pamimigay at kung sakaling hindi matapos, iiwan ang mga natitirang gift pack sa mga barangay upang sila na ang mamahagi sa mga pamilyang hindi pa nakatatanggap.

Ang Pamaskong Handog 2025 ay naglalaman ng mga pangunahing pagkain tulad ng bigas, kape, asukal, spaghetti at iba pang pangangailangan. Bukod dito, namahagi rin ang lokal na pamahalaan ng Go Bag—isang bag na maaaring paglagyan ng mahahalagang dokumento, biscuit, tubig, flashlight at iba pang gamit sakaling magkaroon ng sakuna. Ayon sa alkalde, plano pang dagdagan at pagbutihin ang laman ng Go Bag sa mga susunod na taon.

Layunin ng Pamaskong Handog na maipadama sa bawat Mandaleño ang diwa ng Pasko at ang malasakit ng pamahalaang lungsod, lalo na sa panahong higit na kailangan ang pagkakaisa at pagtutulungan.

Facebook Comments