Matapos ang ₱15M Bayad ng Marikina LGU, Tubig sa Tumana Naibalik na

MARIKINA CITY — Tuluyang naibalik ang 100 porsiyentong suplay ng tubig sa Barangay Tumana matapos magbayad ang Pamahalaang Lungsod ng Marikina ng ₱15 milyon bilang paunang bayad sa Manila Water.

Personal na iniabot nina Marikina Mayor Maan Teodoro at Marikina 1st District Rep. Marcy Teodoro, kasama ang mga kasapi ng Sangguniang Panlungsod, ang tseke sa tanggapan ng Manila Water sa Tumana noong Sabado, Disyembre 20. Kasunod nito, pinangunahan nila ang muling pagbubukas ng 13 water gate valves na nagsilbing hudyat ng ganap na pagbabalik ng serbisyo ng tubig sa mahigit 3,000 residente ng barangay.

Ayon kay Mayor Maan, inilaan ang pondo bilang agarang tulong makatao matapos maputol ang suplay ng tubig noong Disyembre 18 dahil sa hindi nabayarang utang ng barangay na umabot sa ₱37,192,199.98. Binigyang-diin ng alkalde na ang pagkawala ng tubig ay seryosong banta sa kalusugan, sanitasyon, at dignidad ng mga residente, lalo na ng mga bata, matatanda, at may karamdaman.

“No family should be deprived of this basic necessity, especially during a season meant for dignity, care, and hope,” pahayag ni Mayor Maan.

Ipinabatid din ng alkalde na humiling siya ng agarang pagpasa ng isang ordinansa upang pondohan ang bayad, alinsunod sa tungkulin ng lokal na pamahalaan sa ilalim ng Local Government Code na pangalagaan ang kapakanan ng mamamayan.

Samantala, ipinaalala ni Rep. Marcy Teodoro na noong siya ay alkalde pa, nagbayad ang lungsod ng ₱8.8 milyon sa Manila Water upang mabawasan ang utang ng Tumana na noon ay nasa ₱20 milyon lamang. Aniya, nakapagtataka ang paglobo nito sa halos ₱40 milyon sa loob ng nakaraang dalawang taon.

Tiniyak ni Mayor Maan na papanagutin ang mga opisyal na responsable sa pagkakautang ng barangay. “May mananagot, at sisiguruhin nating hindi na ito mauulit. Hindi ko papayagang magdusa ang mga taga-Tumana dahil sa pagkukulang ng iilan,” mariing pahayag ng alkalde.

Facebook Comments