SAN JUAN CITY — Nagdaos ng emergency press conference noong Lunes (Enero 5) si dating Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson upang ilahad ang umano’y bagong ebidensya at testimonya kaugnay ng malawakang katiwalian na iniuugnay niya sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Singson, may mga pangunahing testigo umano tulad nina contractor Sarah Discaya at Zaldy Co na inakusahan matapos ang magkaibang haba ng panahon, habang sinabing itinago naman si retired Marine Orly Goteza ng House Speaker Martin Romualdez. Iginiit niyang sinadya niyang ilabas ang mga rebelasyon ngayon bilang bahagi ng sinasabi niyang “40-taong pag-uulit ng kasaysayan.”
Ipinakita rin ni Singson ang mga video na nag-uugnay umano kay Marcos Jr. sa P100 bilyong budget insertion sa 2025 General Appropriations Act (GAA), gayundin ang sinasabing “ghost” at substandard flood control projects sa iba’t ibang lalawigan, partikular sa Ilocos Norte. Aniya, maraming proyekto ang “fully paid” kahit hindi pa tapos o wala umanong aktuwal na proyekto.
Binatikos din niya ang Pangulo sa umano’y pananahimik sa isyu ng budget manipulation, pagkawala ng pondo ng PhilHealth sa 2025 budget, at sa pagprotekta raw sa mga sangkot na opisyal. Tinawag niya itong pinakamalaking corruption scandal sa kasaysayan ng bansa at inihalintulad sa pagbagsak ng rehimeng Marcos Sr. noong 1986.
Hinimok ni Singson ang mga opisyal at kawani ng gobyerno na hayagang kondenahin ang katiwalian, kung hindi ay aniya’y tila kinukunsinti lamang ang pagkawala ng bilyun-bilyong pondo ng bayan.
Hinamon din niya sina Romualdez at Pangulong Marcos Jr. sa isang bukas at pampublikong debate sa Malacañang sa lalong madaling panahon. “Hindi sapat na si Romualdez lang ang makasuhan. Dapat isama si Zaldy Co,” ani Singson.
Ipinahayag din niya ang paniniwalang may mangyayaring malaking pagbabago sa bansa at nangakong magsasagawa ng isang “one-time, big-time rally” na aniya’y pamumunuan ng sektor ng relihiyon at kabataan. Mas nais umano niyang gawin ito agad, ngunit bukas din siya sa na sa Pebrero na lang ito gawin.
Nanindigan si Singson na darating ang panahon ng paniningil at nanawagan sa mamamayan, lalo na sa kabataan at sektor ng relihiyon, na tumindig laban sa katiwalian. Ayon sa kanya, isang malawakang “one-time, big-time rally” ang planong isagawa sa lalong madaling panahon bilang panawagan para sa katotohanan at pananagutan.
Sa pagtatapos, hinamon ni Singson ang pamahalaan na arestuhin siya kaugnay ng kasong plunder na isinampa laban sa kanya, at iginiit na handa siyang humarap sa anumang kaso. Aniya, ang Korte Suprema ang huling sandigan ng bayan laban sa umano’y malawakang korapsyon sa pamahalaan.