Sanggol sa Marikina Nalapnos sa Kumukulong Tubig — Yaya, Sinisi sa Kapabayaan

Kalunos-lunos ang sinapit ng isang taong gulang na sanggol sa Marikina matapos umanong mabuhusan ng kumukulong tubig ng kanyang yaya. Naghahanap ngayon ng hustisya ang mga magulang at inirereklamo rin ang umano’y mabagal na aksyon ng ospital na unang tumanggap sa bata.

Biktima ang sanggol na si Marcus ng Barangay Malanday, Marikina. Kinilala ang yaya na si Ruby, 57, na dalawang araw pa lamang naninilbihan sa pamilya.

Ayon sa yaya, nagpakulo siya ng tubig na ipapaligo sa bata at inilagay ito sa tabo, ngunit nalito umano at kumukulong tubig mismo ang naibuhos sa likod ng sanggol, nang walang halong malamig na tubig. Lapnos mula leeg hanggang paa ang likod ng bata.

Narespondehan ang insidente ng barangay at dinala ang bata sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMMC) kung saan nabigyan ng paunang lunas.

Pagkaraan ng dalawang araw, sinabi umano ng doktor sa burn unit na sasailalim ang bata sa scraping at bibigyan ng pampatulog dahil sa matinding sakit. Pinayuhan din ang mga magulang na huwag munang pakainin ang bata sa loob ng 24 oras.

Ngunit bago matapos ang 24 oras, sinabi naman umano ng resident doctor na dehydrated na ang bata at kailangan nang padedehin — bagay na ikinagalit ng pamilya.

Mas lalo pang naikubli ang loob ng mga magulang nang sabihin umano ng ospital na hindi kaya ang kaso dahil hanggang 30% burn lang daw ang kaya nilang gamutin, samantalang tinatayang 40% burn ang tinamo ng sanggol. Gayunman, nanatili pa rin ang bata sa ospital habang iniikordinang mailipat sa ibang pagamutan.

Tanong ng mga magulang:

“Bakit nadehydrate ang anak namin sa loob mismo ng ospital?”

“Bakit ngayon lang sinabi na hindi pala nila kaya ang kaso?”

Ayon pa sa pamilya, simpleng “sorry” lamang umano ang sinabi ng resident doctor at rason na “marami pang mas grabeng pasyente.”

Dagdag pasanin ng pamilya ang posibleng milyon-milyong gastusin kung sa pribadong ospital dadalhin ang bata, kaya sila ngayon ay nananawagan ng tulong at hustisya.

Sa ngayon, habang sinusulat ang balitang ito, inilipat na umano ng ARMMC ang sanggol sa East Avenue Medical Center para sa patuloy na gamutan.

Facebook Comments