QUEZON CITY — Nagpahayag ng buong suporta ang isang grupo na tinatawag na “Original 1980s & 1990s former Marcos Loyalists” kina Sara Duterte para Pangulo at Chavit Singson para Bise Presidente sa darating na halalan sa 2028.
Ginawa ang anunsyo sa isang pulong sa Quezon City, kung saan ipinakita nila ang kanilang nagkakaisang paninindigan sa bagong tambalan. Ayon sa grupo, dati na silang sumuporta sa mga nakaraang administrasyon ngunit nagbago na ang kanilang posisyon.
Sinabi rin nila na noong Mayo 30, 2025, opisyal nilang binawi ang suporta kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.. Nagdaos din sila noon ng press conference kaugnay ng panawagang maiuwi si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.
Kabilang sa mga miyembro ng grupo sina Ferdinand Delos Reyes, Raquel Espina, Luzviminda Mangampo, Cecilio De Paz, Teresa Holero, Felix Cahulugan, Carina Cristobal, Melchor Tugade, Nelson Bautista, Redgy Holero, Ernalyn Caingles-Golez, Rodel Gerez, at Maritess Escoto.
Ayon kay Delos Reyes, nagkaisa silang suportahan si Sara Duterte matapos nitong ihayag noong Pebrero 28 ang plano nitong tumakbo bilang Pangulo. Aniya, nakita nila kay Duterte ang matatag na liderato, malasakit sa mamamayan, at kakayahang mamuno batay sa karanasan nito sa lokal na pamahalaan at bilang Bise Presidente.
Naniniwala ang grupo na sa ilalim ng pamumuno ni Duterte, maipagpapatuloy ang mga programa sa kaunlaran, mapapalakas ang kapayapaan at kaayusan, at mas mapapabuti ang kinabukasan ng mga Pilipino.
Para naman kay Chavit Singson, sinabi nilang mahalaga ang kanyang karanasan sa serbisyo publiko at ang mga nagawa nito para sa kanyang mga nasasakupan. Nakikita nila siya bilang matibay na katuwang sa pamumuno at pagbangon ng bansa.
Bagama’t wala pa umanong pormal na usapan kay Singson tungkol sa pagiging running mate, sinabi ni Delos Reyes na sisikapin nilang hikayatin ito na tumakbo kasama ni Duterte.
Samantala, iginiit ni Escoto na aktibo si Sara Duterte sa pagtulong sa mamamayan sa pamamagitan ng mga satellite office nito sa iba’t ibang lugar, lalo na tuwing may kalamidad.
Binatikos din niya ang mataas na presyo ng langis, na aniya’y dulot ng tensyon sa Middle East, at inihambing ang kasalukuyang sitwasyon sa panahon ng pandemya kung saan, ayon sa kanya, naging maayos ang pagtugon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa huli, sinabi ni Escoto na nagbago ang kanyang pananaw matapos makita ang sitwasyon sa bansa, at naniniwala siyang kinakailangan ng bagong liderato para sa mas maayos na direksyon ng Pilipinas.
Facebook Comments