VALENZUELA CITY — Inilunsad ng Department of Science and Technology–National Capital Region (DOST-NCR), katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela, ang 2026 Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) ngayong Agosto 6, na tatagal hanggang Agosto 8, sa Valenzuela City.
May temang “Siyensya, Teknolohiya at Inobasyon: Kabalikat sa Matatag, Maginhawa at Panatag na Kinabukasan,” layunin ng RSTW 2026 na ilapit ang agham at teknolohiya sa mas maraming Pilipino sa pamamagitan ng mga makabagong imbensyon, teknolohiya, at programang makatutulong sa mga komunidad.
Pinangunahan ni DOST Secretary Dr. Renato U. Solidum Jr. ang opening ceremony kasama sina Undersecretary for Regional Operations Engr. Sancho A. Maborang, DOST-NCR Regional Director Engr. Romelen T. Tresvalles, at Valenzuela City Mayor Weslie “Wes” T. Gatchalian.
Tampok sa tatlong araw na pagdiriwang ang iba’t ibang forum at seminar, kabilang ang PhilAAST Luzon Island Seminar, Ani at Huli sa Nagbabagong Klima, Mga Perspektiba ng Kababaihan sa Maynila, at TEKNOLOKAL: Bridging Technology and Adoption for Food Security, Sustainable Energy, and National Resilience.
Magkakaroon din ng mga kompetisyon para sa kabataan tulad ng Sci-Art Poster Making Competition, Gear Up NCR Esports Challenge, at Code Green: Digital Solution Hackathon, na naglalayong mahikayat ang mga mag-aaral na gamitin ang kanilang talento sa pagbuo ng mga makabagong solusyon sa mga suliranin ng lipunan.
Makikita rin sa exhibit ang iba’t ibang teknolohiyang gawa ng mga Pilipino, kabilang ang PAGASA National Hydro-Met Observing Network (PANaHON) para sa mas mabilis na weather monitoring, DOST-CUATRO at Advanced Manufacturing Center para sa mga MSME, at ang VirtuHalal, isang virtual reality training platform na binuo ng FEU Institute of Technology at TESDA.
Bukas din sa publiko ang Technology Bazaar, na magtatampok ng mga produkto ng mga benepisyaryo ng Small Enterprise Technology Upgrading Program (SETUP), Community Empowerment through Science and Technology (CEST), at iba pang DOST-assisted innovators.
Ayon sa DOST, layunin ng RSTW 2026 na ipakita na ang siyensya ay hindi lamang para sa mga laboratoryo kundi para rin sa pang-araw-araw na buhay ng bawat Pilipino—mula sa pagkain sa hapag, kaligtasan ng komunidad, hanggang sa paglikha ng mas maraming oportunidad para sa lahat.