SAN JUAN CITY HALL, NAGPAHAYAG NG PAKIKIRAMAY SA APAT NA NASUGATAN SA INSIDENTE SA FILOIL CENTRE

download (8)

SAN JUAN CITY — Nagpahayag ng pakikiramay at panalangin ang Pamahalaang Lungsod ng San Juan para sa apat na indibidwal na nasugatan sa insidenteng naganap nitong Biyernes, Oktubre 30, sa Filoil Centre.

Sa opisyal na pahayag ng City Government, agad na rumesponde ang mga emergency personnel at isinugod sa Cardinal Santos Medical Center ang apat na biktima upang mabigyan ng kaukulang lunas.

Batay sa paunang ulat ng San Juan City Police Station, tatlo sa mga nasugatan ang nagtamo lamang ng minor injuries at pinayagan nang makalabas ng ospital, habang ang isa pa ay nananatiling naka-confine para sa karagdagang pagsusuri at gamutan.

Ayon sa pamahalaang lungsod, nangyari ang insidente habang isinasagawa ang ingress o paghahanda para sa isang event na inorganisa ng isang pribadong organizer na umuupa sa Filoil Centre, na hiwalay na pinamamahalaan at pinatatakbo ng HOME, Inc.

Nabatid na ang mga ilaw at audio trusses na gumuho ay ikinabit ng technical supplier na kinuha mismo ng pribadong organizer para sa naturang event.

Nilinaw din ng City Government na nananatiling maayos at ligtas ang mismong estruktura ng Filoil Centre, at walang anumang kaugnayang pinansiyal o kontraktuwal sa pamahalaang lungsod ang technical supplier na responsable sa pagkakabit ng mga kagamitan.

Sinabi ng lokal na pamahalaan na nakipag-ugnayan na ito sa event organizer at hinihintay ang kumpletong ulat hinggil sa nangyari.

Kasabay nito, nagsasagawa na ang pamahalaang lungsod, katuwang ang San Juan City Police Station, ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at matiyak na may mananagot sa insidente.

Binigyang-diin ng City Government na nananatiling pangunahing prayoridad nito ang kaligtasan ng publiko at hindi ito kailanman ikokompromiso.

Facebook Comments