MANILA — Nanawagan ang mahigit 40 civil society organizations (CSOs) mula sa Southeast Asia sa mga lider ng ASEAN na dagdagan ang pondo para sa kalusugan at tiyakin ang pantay na access sa Universal Health Care (UHC).
Pinangunahan ng Social Watch Philippines (SWP) ang panawagan ng mahigit 80 delegado mula sa rehiyon kasabay ng ika-49 ASEAN Summit sa Maynila.
Inilatag ang mga rekomendasyon sa Social Protection Caravan: Road to Universal Health Care, bahagi ng 2026 ASEAN Civil Society Conference/ASEAN Peoples’ Forum, na idinaos sa University of the Philippines Diliman at Philippine General Hospital (UP-PGH). Tinalakay rito ang epekto ng mga polisiya at pondo sa kalusugan sa mga pasyente ng pampublikong ospital.
Ayon kay SWP Co-convenor Dr. Ma. Victoria Raquiza, hindi dapat manatiling pangako lamang ang UHC habang kulang sa pondo ang mga pampublikong ospital at napipilitang gumastos nang malaki ang mga pamilya para sa pagpapagamot.
Bagama’t kinikilala ang Universal Health Care Law ng Pilipinas bilang isa sa pinakamahuhusay sa ASEAN, nahahadlangan ang pagpapatupad nito ng kakulangan sa pondo, paglilipat ng budget at impluwensiya ng mga interes pangkorporasyon. Nananatili ring 41 porsiyento ang gastusing pangkalusugan na direktang binabayaran ng mga pasyente, na kabilang sa pinakamataas sa rehiyon.
Kabilang sa apat na panawagan ng SWP at mga katuwang nitong grupo ang pagtutol sa pagbabatay ng benepisyo sa health insurance sa laki ng kontribusyon o kita ng miyembro; dagdag na pondo para sa UHC at pampublikong serbisyong pangkalusugan; pagtataas ng buwis sa sigarilyo, vape, alak at matatamis na inumin; at pagtatatag ng sistemang magpapahintulot na magamit ang health insurance ng bawat bansa sa iba pang bahagi ng ASEAN.
Sa ilalim ng huling panukala, dapat matiyak ang agarang gamutan at tuloy-tuloy na serbisyong medikal para sa mga migrant worker sa rehiyon, anuman ang kanilang dokumentasyon. Kabilang sa mga sistemang nais pag-ugnayin ang PhilHealth ng Pilipinas, Universal Coverage Scheme at Social Security Office ng Thailand, at social health insurance ng Indonesia.
Ayon kay Raquiza, makatutulong ang mga rekomendasyong ito sa pagpapatupad ng ASEAN Strategic Health Agenda 2026–2030 na pinagtibay sa ika-17 ASEAN Health Ministers Meeting noong Setyembre 10, 2026.