Nagsagawa ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ng paunang fieldwork noong Nobyembre 4–6, 2025 sa Malay, Aklan, bilang bahagi ng proyektong Balidasyon ng mga Wika ng Pilipinas upang matukoy ang aktuwal na kalagayan at makapangalap ng mga datos tungkol sa nanganganib na wikang Malaynón.
Isinagawa ang aktibidad sa Conference Hall ng Malay Activity Center sa pangunguna nina Wilbert M. Lamarca, linguistic specialist, at Rolien Mark M. Balisi, mananaliksik at tagapag-ugnay ng proyekto, sa pakikipagtulungan ng Malay Tourism Office.
Kabilang sa mga isinagawang gawain ang Focus Group Discussion (FGD) upang masuri ang kalagayan at patuloy na paggamit ng wika, gayundin ang pagrekord ng mga salita para sa pagbuo ng language profile at wordlist ng Malaynón.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong 2020 na sinuri ng KWF, kabilang ang Malaynón sa pitong wikang itinuturing na malubhang nanganganib sa Pilipinas.
Dahil dito, mahalaga ang isinagawang fieldwork upang mapatunayan ang kasalukuyang kalagayan ng wika batay sa aktuwal na impormasyon mula sa komunidad at hindi lamang sa mga naunang pagtataya.
Ayon sa United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO), nanganganib ang isang wika kapag unti-unti na itong hindi ginagamit, nalilimitahan ang paggamit nito sa iba’t ibang larangan at hindi na naipapasa ng nakatatandang henerasyon sa mga kabataan. Maaari ring makaapekto rito ang mga salik na pangkultura, pang-ekonomiya, panrelihiyon at pang-edukasyon, gayundin ang negatibong pananaw ng komunidad sa paggamit ng sariling wika.
Namahagi rin ang KWF ng mga libreng kopya ng ilang aklat na inilathala sa ilalim ng KWF Aklat ng Bayan sa Malay Tourism Office at lokal na tanggapan ng Department of Education (DepEd).
Sa pamamagitan ng patuloy na dokumentasyon at balidasyon, pinalalakas ng KWF ang mga programa para sa pangangalaga at pagpapasigla ng mga nanganganib na wika upang mapanatili ang mayamang pamana ng mga katutubong wika sa bansa para sa susunod na mga henerasyon.