Naglaan kamakailan ng  Limang-daang libong pisong (P500,000.00) halaga, ang lokal na pamahalaan ng San Antonio sa lalawigan ng Quezon 1, bilang suporta sa proyektong mapagkukunan ng malinis na inuming tubig, doon sa mga pamilyang magsasaka na benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).

Ayon kay San Antonio Mayor Erick Wagan, ang proyektong tinawag na Community-managed Potable Water Supply Sanitation and Hygiene (CPWASH) ng Department of Agrarian Reform (DAR), ay naglalayong mabigyan ng sapat at malinis na inuming tubig ang mga residenteng nakatira sa dalawampung barangay sa naturang bayan.

Sinabi pa ni Mayor Wagan, na mabuting mekanismo umano ang ganitong proyekto, upang maitaguyod ang tamang kalusugan at kalinisan ng mga residente sa nasabing bayan.

Tinatayang 1,000 pamilya ang makikinabang sa nabanggit na proyekto, at kung saan 900 sa mga ito ay pawang mga agrarian reform beneficiaries.

Ang CPWASH, ay una ng ipinatupad ng DAR taong 2008 sa ibat-ibang agrarian reform communities sa buong bansa.(jnormt)