May kabuuang P46.9- Milyong Pisong halagang natapos ng proyektong pang-imprastraktura ng Department of Agrarian Reform o DAR ang pinakikinabangan na ngayon ng mga magsasaka sa mga bayan ng Dupax del Sur at del Norte sa lalawigan ng Nueva Vizcaya.

Sa isinagawang turned-over ceremony, sinabi ni DAR Undersecretary for Foreign Assisted and Special Projects Herman Ongkiko na ang natapos ng dalawang communal irrigation system ang nagpapatubig na ngayon sa may dalawan-daan at walongput’ dalawang ektaryang sakahan doon.

Sinabi pa ni Undersecretary Ongkiko na malaking tulong para sa tatlong-daan at dalawangpung magsasaka doon ang proyekto lalo’t nakakaranas na umano ngayon ng manakanakang epekto ng El Nino phenomenon o tagtuyot ang mga sakahan doon.

Ayon pa kay Undersecretary Ongkiko, katuwang ng DAR sa naturang proyekto ang lokal na pamahalaan ng Nueva Vizcaya at sa pakikipagtulungan ng tanggapan nina Congressman Carlos Padilla at Governor Ruth Padilla sa nasabi pa ring lalawigan.

Ang naturang mga proyekto ay mula sa Agrarian Reform Infrastructure Support Project ng DAR na may karagdagang pondo mula sa Japan International Cooperating Agency o JICA. (jnormt)