Sa pina-igting na kampanya ng SSS laban sa mga delingkwenteng kumpanya mula 2010, umabot sa 7,072 kumpanya ang kinasuhan ng Social Security System (SSS) sa nakalipas na limang taon. 24 sa mga ito ay nahatulan ng pagkakakulong ng 12 taon. Bunsod ito ng kanilang paglabag sa SS Law, Kaugnay sa hindi pag-report ng kumpanya sa SSS ng kanilang mga empleyado, gayundin ang hindi pagbabayad ng kanilang buwanang kontribusyon.

Mahigit na P1.6 bilyon ang nakolekta ng SSS kasama na ang multa mula sa mga nasabing kumpanya, matapos na mapatunayang lumabag ito sa nasabing batas.

Ayon kay Atty. Voltaire P. Agas, SSS Chief Legal Counsel and Senior Vice President ng Legal Services Division, kinasuhan ng SSS ang 7,072 employers mula taong 2010. Sa ganitong bilang, 5,452 o 77 porsyento ang piniling bayaran ang kanilang obligasyon sa SSS sa pamamagitan ng pagbayad ng buo o installment, o di kaya naman ay sa pagsuko ng kanilang mga ari-arian bilang kabayaran.

“Ang pagkakulong ng 24 na employers nang hanggang 12 taon, ay magsilbi sanang babala sa iba pang mga employers na sumunod at gawin ng tama ang kanilang tungkulin sa ilalim ng SS Law. Mula sa 24 employers na ito, P24.32 milyon ang nakolektang kontribusyon ng SSS kasama na ang multa, sa bawat buwan na hindi nila ito ibinayad sa SSS,” ayon pa kay Agas.

Sa ilalim ng SSS charter, ang mga kumpanya ay kinakailangang i-report ang kanilang mga empleyado sa SSS sa loob ng 30 araw, mula sa unang araw ng kanilang pagta-trabaho. Obligasyon din nilang bayaran ang tamang kontribusyon kada buwan sa tamang oras upang hindi mapatawan ng tatlong porsyentong penalty.

Nanawagan si Agas sa lahat ng mga empleyado na maghain ng reklamo, laban sa kanilang mga kumpanya na hindi tumutupad ng kanilang obligasyon sa SSS sa pinakamalapit na sangay ng ahensya. Kailangan lamang silang magpakita ng katibayan, gaya ng company ID o payslip, para mapatunayang nagta-trabaho o naging empleyado sila ng kumpanya. Gagamitin ng SSS ang inihaing reklamo ng miyembro upang imbestigahan ang kaso.

“Mahigpit na sinusubaybayan ng aming mga account officers at abogado, na nakatalaga sa bawat kumpanya sa buong bansa ang kanilang tungkulin upang masigurong sumusunod sila sa SS Law. Gayunpaman, hinihingi namin ang tulong ng aming mga miyembro na agad ipaalam sa SSS, kapag hindi binabayaran ng kumpanya ang kanilang buwanang kontribusyon,” dagdag ni Agas.

Para mas mabilis na makita kung bayad ang kontribusyon sa SSS, magparehistro sa My.SSS sa SSS website (www.sss.gov.ph) ang mga employers at miyembro. Kapag nakarehistro dito, maaaring makita ang kontribusyon at iba pang detalye ng kanilang pagiging miyembro sa SSS. SSS.My.SSS portal ng SSS Website.