Para masulusyunan ang hinihinging P2,000 dagdag pensyon at mapondohan ito, paiigtingin ng Social Security System (SSS) ang paghabol sa mga delingkwenteng kumpanya na hindi nagbabayad ng kanilang obligasyon para sa kanilang mga empleyado, ayon kay Social Security Commission (SSC) Chairman Dean Amado Valdez.
“Hindi maikakaila na may mga employers na hindi nagbabayad ng kontribusyon ng kanilang mge empleyado o hindi nagre-report ng kanilang empleyado para sa SSS coverage. Binabalaan ko sila, gagamitin namin ang ngipin ng batas para sila ay habulin. Babayaran nila ang kanilang obligasyon sa SSS kung ayaw nilang makukulong sila,” ayon kay Valdez.
Batay sa pinakahuling datos noong Disyembre 2016, namigay ang SSS ng demand letters at nagsampa ng kaso laban sa mahigit 34,000 delingkwenteng employers mula taong 2010 kung saan halos P1.4 bilyon ang nakolekta mula sa kanila. Dahil din sa aksyon ng SSS, 38 employers ang nahatulan ng korte mula 2010 at umabot ng P1.66 milyon ang kokolektahan ng SSS mula sa kanila.
“Gagawa ng mga polisya ang SS Commission at paghuhusayin ang sistema ng pagbabantay para masigurong ang mga kumpanya, maliit man o malaki, ay susunod sa kanilang obligasyon sa SSS. Muli, binabalaan namin ang mga delingkwenteng employers na baguhin na nila ang nakagawian, simulang gawin ang tama at nararapat kung ayaw nilang maparusahan,” ayon kay Valdez na nagsabi din na prayoridad ng ahensya ngayon ay pagandahin ang koleksyon.
Isa pang paraan ng pagpapataas ng kita ng ahensya ay ang pamumuhunan. Muling sinabi ni Valdez ang plano nito na dagdagan ang assets ng SSS sa pamamagitan ng pamumuhunan ng 25 porsyento sa iba’t-ibang proyekto ng imprastraktura kagaya ng kalsada, real estate at kahit lotto.
“Ang balik ng pera ng SSS sa mga investments nito ay nasa pitong porsyento para 2016 kaya gusto naming itaas ito ng 15 hanggang 20 porsyento sa susunod na taon kasunod ng mga pagbabago sa mga nakagawiang paraan ng pag-invest ng SSS. Aalak naming isagawa mga ito sa mga susunod na buwan,” sabi ni Dean Valdez.
Sa isyu naman operating expenses, sinabi ni Dean Valdez na binawasan ng P1 bilyon ang operating expenses ng SSS sa 2017 habang naghahanap ng mga paraan para gumanda ang performance ng ahensya at malutas ang structural imbalance ng pondo.
Ginagamit ang OPEX para sa pagbabayad ng sahod at benepisyo ng mga empleyado, utilities, pagpapanatili ng mga branches, renta, supplies at iba pang gastusin para sa pagpapatakbo ng ahensya. Ang SSS ay may 6,000 na empleyado na nakakalat sa 296 na sangay ng SSS sa loob at labas ng bansa. Sa kasalukuyan, ang ahensya ay may mahigit 34 milyon na miyembro kung saan mahigit dalawang milyon ay tumatanggap ng pensyon.
“Para makatulong sa pagbaba ng operating expenses, ang promotion ng isang empleyado sa SSS ay batay lamang sa husay ng kanyang performance sa trabaho. Ang pag-hire naman ng bagong empleyado ay lilimitahan sa mga kritikal na posisyon na makakatulong sa SSS upang makapagbigay ito ng magandang serbisyo publiko,” sabi ni chairman.
Ang mga sweldo at bonuses ng mga opisyal ng SSS ay naging paksa ng kritisismo kasabay ng isyu sa pagtaas ng pensyon. Sa nakaraang pahayag ng SSS, nilinaw nito na ang halaga ng sahod at bonuses ay hindi lamang sa SSS ngunit sa lahat ng GOCCs base sa GOCC Governance Act and Executive Order 24 in 2011.