Tag-ulan na naman o wet season, payo ng mga eksperto na pumili ng mga barayting matibay sa baha at hangin upang maiwasang dumapa ang palay.
Ayon kay Dr. Norvie Manigbas, senior plant breeder ng PhilRice, na dapat magtanim ng mga barayti na hindi hihigit sa 1 metro ang taas at matibay ang puno nang hindi dumapa sa 40-60kph na hangin.
Kabilang sa inererekomenda ni Dr. Manigbas ang PSB Rc 14 (Rio Grande) , Rc 68 (Sacobia), NSIC Rc 160 (Tubigan 14) , Rc 216 (Tubigan 17), Rc 222 (Tubigan 18), at Rc 402 (Tubigan 36).
Sa mga rainfed areas naman o sahod-ulan na kalimitang binabaha tuwing tag-ulan, pinapayuhan na gumamit ng barayti na may kakayahang maka-recover kahit malubog sa baha sa panahon ng pagsusuwi. Ilan sa mga ito ay ang PSB Rc 18 (Ala), na nabubuhay kahit malubog ng 5-7 na araw; NSIC Rc 194 (Submarino 1) na kayang makabawi kahit 10-14 na araw nang nakalubog sa tubig baha, at PSB Rc 68 (Sacobia), na matibay sa parehong baha at tagtuyot.
Bukod sa pagpili ng angkop na barayti, hinihikayat ni Manigbas na huwag gumamit ng sobra-sobrang pataba na maaaring maging sanhi ng lodging o mabilisang pagdapa ng palay.
Sinang-ayunan naman si Fredierick Saludez, magsasaka at isa sa mga agriculturists ng PhilRice, na dapat aniya na bawasan ang paglalagay ng urea tuwing tag-ulan.
Anya, kung sa tag-araw ay umaabot sa 120kg ang urea na inilalagay, mainam na 60-90kg na lamang ang ilagay sa tag-ulan. Paalala pa ni Saludez, ang paglalagay ng sobrang urea ay nagdudulot ng paglambot ng puno at dahon, at pagtangkad ng palay kung kayat mas madali itong humapay o dumapa.
Sa halip ay, inirerekomenda nito ang paglalagay ng mas maraming potassium dahil nakapagpapatibay ito ng puno at nakapagpapalakas ng resistensiya sa sakit tulad ng brown spot na sanhi ng amag.
Para sa karagdagang katanungan tungkol sa rekomendadong barayti ngayon tag-ulan, magtext sa PhilRice Text Center, 0917-111-7423 o kaya magmessage sa Facebook page ng PhilRice hingil sa usaping palay.