Ang abalone ay isang uri ng shellfish na matatagpuan sa Palawan. Kilala ito ng mga taga rito sa bansag na “sobra-sobra”. Mayaman ito sa Omega 3, iodine, at phosphorus na nakakatulong upang bawasan ang posibilidad sa pagkakaroon ng cancer, sakit sa puso, at arthritis.
Hindi madali ang pangunguha ng abalone. Ang mga mangingisda ay kinakailangan pang sumisid ng mahigit 10 metrong lalim at saka manomanong kokolektahin ang mga abalone sa ilalim ng dagat.
Umaabot ng ₱300 hanggang ₱850 ang presyo nito depende kung ito ay buhay pa o frozen na.
Isang grupo ng mga mananaliksik mula sa Western Philippines University (WPU) ang nakatuklas na ang mga coral reefs sa Palawan ay nasisira dahil sa iresponsableng pangongolekta ng abalone sa lugar.
Upang tugunan ang problema, nakipag-ugnayan ang College of Fisheries and Aquatic Sciences ng WPU sa Bureau of Agricultural Research o BAR upang maitaguyod ang proyektong “Utilization of Indigenous Materials for the Mass Production and Community Farming System of Abalone in Palawan.”
Sa pangunguna ni Dr. Lota Alcantara – Creencia ng WPU, nagkaroon ng isang hatchery o nursery sa Banduyan Marine Research Station. Isang uri ng abalone na pinapalaki dito ay ang Haliotis asinina. Ito ang may pinakamalaking kabibe sa lahat ng uri ng abalone na matatagpuan sa Pilipinas.
Nakipag-ugnayan din ang WPU sa Commission on Higher Education, Department of Science and Technology, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, at United States Agency for International Development upang mapangalagaan ang abalone sa Palawan at makatulong sa industriya ng abalone sa bansa.