Mas lalo pang paiigtingin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagpapatupad sa mga environmental laws ngayong taon upang maipagpatuloy ang nasimulang rehabilitasyon sa Isla ng Boracay at iba pang mga nagawa ng ahensiya sa taong 2018.

Ginanap ang tradisyunal na New Year’s Call na idinaos sa DENR central office sa Quezon City ng pinagsama-sama ni Environment Secretary Roy A. Cimatu, iba pang opisyal at empleyado ng nasabing ahensiya upang mabigyan ng prayoridad ang mga programa at proyekto na ipatutupad sa buong taon.

Pagkakataon rin ito ni Cimatu upang ipresinta ang kanyang mga nagawa sa pinamumunuang ahensiya.

Ayon kay Cimatu, maituturing na “centerpiece” para sa taong 2018 ang rehabilitasyon ng Boracay na pinamunuan ng DENR kasama ng iba pang ahensiya ng gobyerno sa ilalim ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF).

Dagdag pa nito na ang rehabilitasyon ng Boracay ay maituturing na tagumpay ng DENR dahilan upang isunod na gawing “big target” ng ahensiya ang Manila Bay rehabilitation.

Kinakailangan umanong kakaiba ang mga hakbang sa gagawing rehabilitasyon ng Manila Bay dahil na rin sa dumi ng tubig bagama’t may kautusan ang Supreme Court (SC) para sa paglilinis nito may isang dekada na ang nakalipas.

Bukod sa matagumpay ng rehabilitasyon ng Boracay, sinabi pa ni Cimatu na nagtagumpay din ang DENR sa pagpapatupad ng Clean Water Act sa pangangasiwa ng National Water Resources Board (NWRB) noong 2018.

Umabot sa 486 commercial establishments ang naipasara ng NWRB dahil sa pagkakaroon ng iligal deep wells habang ang Pepsi Cola Products Inc. ay pinagmulta ng halagang P11.8 million dahil sa walang kaukulang permisong anim na deep wells sa Muntinlupa City.

Pinuri din ng kalihim ang pinagsanib na pwersa ng DENR, National Bureau of Investigations (NBI) at ng Cebu City government dahil sa pagkakaaresto sa mga nagbebenta ng mahigit 100 kilo ng raw meat ng endangered green sea turtle. (Precy F. Lazaro)