Timbog ang isang traffic enforcer ng Metro Manila Development Authoriy (MMDA) matapos na mabuking ng isang Pulis Mandaluyong ang sunod sunod na pagbaba ng mga konduktor at naghahagis ng pera sa isang lalagyan na plant box sa harapan ng isang mall sa Edsa Mandaluyong City.
Kinilala ang suspek na si Rodrigo Maghanoy, 47 yrs old, MMDA traffic enforcer na nakatalaga sa harapan ng Star Mall sa EDSA, Barangay Wack-Wack, Mandaluyong City .
Sa nakalap na report ng tanggapan ng Eastern Police District (EPD), naganap ang insidente bandang alas-8:20 ng gabi, miyerkules, sa harapan ng Star Mall sa EDSA. Ayon kay PSSg Joselito Capito habang siya ay nakatayo sa may gilid ng EDSA napansin nito ang pagdami ng mga pasahero at ang pagharang ng sunod-sunod na bus, kasabay nito ang isa isang pagbaba ng mga koduktor para maghagis ng perang papel at barya sa isang plant box.
Kung kaya agad na minanmanan ni Capito ang paghahagis ng mga konduktor ng pera sa box at kung sino ang kukuha nito, mga ilang sandali lamang lumapit ang suspek na isang MMDA traffic enforcer pala, para kolektahin na ang mga perang hinulog ng mga konduktor ng bus na nagdulot ng matinding traffic sa nasabing lugar.
Agad na dinampot ni Capito ang traffic enforcer ng MMDA na hindi na nakuhang pumalag pa. Nakumpiska sa suspek ang 13 piraso ng P20 na papel na nagkakahalaga ng P260 at mga barya, saka dinala sa Mandaluyong Police headquarters para imbestigahan at sampahan ng kasong paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at Anti-Graft and Corruption Practices Act.