image

Ang Philippine Science High School (PSHS) main campus o Pisay na isa sa mga institusyon na kabilang sa Department of Science and Technology (DOST) ay ipinagamit ang kanilang Campus sa Quezon City para magamit ng mga pasyente at empleyado ng Philippine Children’s Medical Center (PCMC) sa panahon ngayon na umiiral ang pandemic dulot ng sakit na COVID-19. Ang pag-alok ng Pisay sa PCMC na gamitin ang kanilang campus ay dahil na rin sa nakikita nitong kakulangan ng medical facilities katulad ng ospital o klinika, gusali, na maaring gamitin pansamantala ng mga health workers at mga frontliner.

Ito umano ang magsisilbing kanlungan ng mga health workers at mga frontliners na hindi nakakauwi sa kanilang mga tahanan dahil na rin sa mahigpit na pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine sa bansa. Maiiwasan din umano ang pagkalat ng COVID-19 kung hindi bebeyahe pa ng malayo ang mga ito.

Ayon kay Lawrence Madriaga, campus director ng PSHS main campus, nagpasya ang Board of Trustees ng paaralan na tumulong sa panahon ng COVID-19 pandemic at ipahiram ang gymnasium nila upang magamit ng mga health workers ng PCMC. “We are in the midst of a health crisis that is possibly the worst in our history and allowing a part of the campus to be used by PCMC is our way of contributing to the fight against COVID-19, on top of what our colleagues are already doing now,” pahayag ni Madriaga.

Siniguro naman ng pamunuan ng PCMC na sisiguruhin nila na palaging malinis ang mga gagamiting nilang pasilidad ng Pisay upang ito ay maging ligtas naman sa virus simula hanggang sa matapos nilang gamitin ito, ito umano ay para  mapangalagaan din ang kalusugan ng mga mag-aaral, mga guro at kawani ng naturang paaralan kung gagamitin na nila ito.

Ang balitang ito ay lugod naman tinanggap ng pamahalaan bilang isang magandang halimbawa ng bayanihan sa panahon ng kagipitan o ng COVID-19 pandemic. Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, ito ay magsisilbing isang huwaran para sa ibang organisasyon a institusyon na magtulungan. “May we all be inspired by their examples and open our hearts to those stricken by COVID-19 and those who care for them,” pahayag ni Nograles. Sa isang pahayag naman ng pamunuan ng Philippine Science High School, ibinida rin nila na ang kanilang mga faculty members at kawani sa walong (8) campuses sa bansa ay kasalukuyang gumagawa ng mga “face shield” para sa medical workers at iba pang COVID-19 frontliners.