image

Hindi na nagawa pang makatakbo ang walong (8) kalalakihan, matapos salakayin ng mga operatiba ng Intelligence Team ng Taytay Municipal Police Station ang lugar, kung saan madalas isinasagawa ang  illegal na tupada, sa Damayan Floodway Barangay San Juan Taytay Rizal.

Kalaboso at naghihimas na ngayon ng malamig na rehas ang 8 kalalakihan, matapos na masakote ng mga Operatiba ng Intelligence Team ng Taytay Police Station, habang nagsasagawa ng pasabong ang mga ito sa nasabing lugar. Ayon kay Taytay PIO Archieval Portugal, ilang araw na rin nilang minamanmanan ang nasabing lugar, na kung saan di umano ay nagkakaroon ng pagtitipon-tipon ang ilang kalalakihan na may dalang mga manok. Kung kaya dahil dito, nagsagawa sila ng operasyon para masakote ang mga ito. Nakumpiska sa mga ito ang 2 sasabunging manok, at Php 2, 600 na hinihinalang ginamit bilang pantaya sa nasabing sabong.

Paliwanag pa ni Portugal, sa kabila ng ipinapa-iral na General Community Quarantine (GCQ) sa naturang lugar dahil sa Covid-19 pandemic, wala pa rin umanong tigil sa pagsasabong ang 8 kalalakihan sa Barangay San Juan, ang iba ay wala pang Facemask at hindi na rin umano nasusunod ang social distancing. Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Anti-Illegal Gambling o Presidential Decree 1602 ang 8 sabungero.