image

Dahil sa paglabag sa Enhanced Community Quarantine, na ipinatutupad sa bansa dahil sa coronavirus (COVID-19), tuluyang ng ipinasara ni Taytay Municipal Mayor Joric Gacula ang Mariposa Budget Hotel, na di umano ay lantarang lumabag sa panuntunan ng Inter Agency Task Force (IATF)Covid-19.

Alam naman halos ng lahat, na hindi pa rin pinahihintulutan ng Inter Agency Task Force (IATF) Covid-19, ang mga  establisimiyento  na kagaya ng hotel na mag operate sa panahon na mayroon pang pandemya sa bansa, tuloy-tuloy pa rin umano ang nasabing hotel sa kanilang operasyon, sa kabila na ang kanilang bayan ay nasa General Community Quarantine.

Sa pangunguna nina Taytay Tourism Department Head Rod Santos, Taytay Business Permit and License Officer Judith Ines, Taytay Police Chief, Major Rodel Ban-o, tinungo kamakalawa ng grupo ang Mariposa Budget Hotel at ipinad-lock ang nasabing establisimiyento. Bago pa man tuluyang ipinasara ang hotel, inabisuhan na umano ang lahat ng mga pares na nakacheck-in dito na ipasasara ang nasabing hotel para umano walang maiwan sa loob ng nasabing lugar na naka padlock na.

Binigyang diin ni Mayor Gacula, na hindi pa rin maaaring mag-operate ang mga negosyong hotel, habang umiiral pa ang GCQ, at hanggat hindi nabibigyan ng certification mula sa protocol ng Department of Tourism, ang anumang hotel ay hindi maaaring mag-operate kahit ang mga kahalintulad nitong establisimiyento. “Mananatili pa rin pong sarado ang iba pang mga hotel, motel, at apartel dito sa Taytay, kung wala silang clearance mula sa national agencies. Kailangan pong sumunod ang lahat sa panununtunan, habang umiiral pa ang Covid-19 pandemic sa bansa, para hindi po kayo malagay sa mas malaking problema kapag kayo po ay nakasuhan. Tiis-tiis po muna tayo at kailangan mag-ingat ang lahat para po ito sa kapakanan at pangkalusugan nating lahat,” ayon pa sa Alkalde.

image