image

Cainta Rizal – Itinakda na rin ang paglalagay ng bicycle lane sa naturang Lungsod dahil sa dumaraming gumagamit ng bisikleta sa ibat-ibang lalawigan, bayan, maging sa mga seyudad sa gitnang silangan ng Luzon, habang umiiral ang General Community Quarantine (GCQ), dulot ng coronavirus (COVID-19) sa bansa.

Nagpasya na rin ang lokal na pamahalaang bayan ng Cainta, na maglagay na rin ng bicycle lane sa naturang bayan. Ito ay upang masiguro ang kaligtasan ng mga bikers. Sa nasabing bayan ay marami na rin umanong mga pumapasok sa kani-kanilang mga trabaho, na nakabisikleta patungo sa trabaho at pag-uwi sa kanilang tahanan. Dulot ito ng kakulangan ng masasakyang bus at pahirapang pagsakay, dahil hindi pa rin umano pinahihintulutang bumiyahe ang mga jeep, kahit nasa GCQ na ang Rizal at ang buong Metro Manila.

Ayon kay Mayor Kit Nieto, lalagyan nila ng bicycle lane ang mga pangunahing ruta,  tulad sa Ortigas Ave., Felix Ave., Floodway area at Bonifacio Avenue sa kabayanan. Nagpasa na umano ang Sangguniang Bayan ng Cainta sa pangunguna ni Councilor Edwin Cruz at dating councilor at ngayon ay Vice Mayor Ace Servillon ng SB ordinance #2016-004 o motorcycle at bicycle lane, para maibsan na rin ang paghihirap ng ibang mga pumapasok sa trabaho na walang masakyan .

Ang pagbibisikleta ay isa rin umanong mainam na paraan, para makapag ehersisyo at makatitipid pa sa pamasahe. Nagpaalala rin ang Alkalde, na kailangan din umano ang ibayong pag-iingat, dahil ang makakasabayan sa kalye ay malalaking sasakyan at matutulin pa ang pagpapatakbo. kaya’t dapat lang talaga umanong magkaroon ng sariling linyang nakatalaga para sa mga nagbibisikleta.

image