Matatapos na ang maliligayang araw ng mga may-ari ng sasakyan, na nakaparada sa gilid ng kalsada malapit sa kani-kanilang bahay, sa bayan ng Taytay Rizal.
Ito ay matapos na ihayag ni Taytay Mayor Joric Gacula, na simula sa darating na buwan ng Hulyo 1, taong kasalukuyan, bubuhayin nilang muli ang clamping operations sa kanilang bayan, dahil sa nagkalat na naman ang mga sasakyan na illegal na nagpaparada sa gilid ng kalsada.
Ang malala pa umano dito, may ilang kalye na naka-double parking pa na kung saan, nahihirapan makalusot ang mga dumadaang mga sasakyan na palabas at papasok sa lugar, dahilan rin para magkaroon ng matinding trapik, ayon pa sa alkalde.
Giit pa ni Taytay Mayor Gacula, na hinding-hindi sila mangingiming lagyan ng clamp ang mga sasakyan na illegal na nakaparada sa mga kalye, partikular sa Barangay San Juan ng naturang bayan.
Samantala: Pinayagan na rin ng Taytay LGU nitong nakaraang Lunes, na pwede ng mamasada ang mga rehistradong tricycle mula 5:30 AM hanggang 10 PM. Ayon kay Taytay Mayor Gacula, ang nasabing hakbang ay dahil na rin sa nakarating sa kanyang tanggapan, na napakarami umanong mga naglalakad na mga manggagawa dahil wala nang masakyang tricycle ang mga ito.
Sinabi pa nito, na tanging mga rehistradong tricycle lamang ang pinayagang bumeyahe, at ang colorum umano ay kanyang ipapahuli, dagdag pa ng alkalde.