Pinabulaanan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Department of Agriculture ang kumakalat na balita tungkol sa sakit ng tilapia at hipon.
Inanunsyo ng kagawaran, na walang kumakalat na sakit sa mga tilapia at hipon. Walang dapat ipangamba ang publiko sapagkat ang napabalitang sakit ng tilapia at hipon, partikular ang White Spot Syndrome Virus (WSSV) at Acute Hepatopancreatic Necrosis Disease/Early Mortality Syndrome sa hipon at Tilapia Lake Virus (TilV), kung sakali mang makaapekto sa hipon at tilapia, hindi naman ito naipapasa sa tao at walang bantang dala sa ating kalusugan.
Ang mga tilapia at hipon sa bansa ay napapanatiling ligtas dahilan sa ipinapatupad na biosecurity measures ng pamahalaan sa pamamagitan ng DA-BFAR. Kabilang dito ang pagbibigay ng health certificate para sa mga ibibiyaheng buhay na semilya ng tilapia at hipon na palalakihin sa mga palaisdaan. Ang pagbibigay ng nasabing health certificate ay sinimulan pa noong 2015 upang masigurong hindi apektado ng sakit ang mga aalagaang tilapia at hipon. Hindi umano kailangang humingi ng nasabing Health Certificate para sa mga tilapia at hipon na ibibiyahe at ibebenta sa mga pamilihan.
Binigyang diin pa ng DA-BFAR na ligtas kainin ang mga tilapia at hipong nabibili sa ating mga pamilihan. Siguraduhin lamang na ang mga nabibiling produktong pampangisdaan (seafood products) ay sariwa, hinugasan at nilinis mabuti bago lutuin.
“Umasa po kayo na ang DA-BFAR ay laging nakatutok at patuloy na gumagawa ng mga hakbang upang mapanatiling ligtas, masagana at likas-kaya ang mga produktong mula sa ating pangisdaan at yamang-tubig”.