Pasig City Police Chief PCol. Moises Villaceran, Jr.

                                               Pasig City Police Chief PCol. Moises Villaceran, Jr.

Irenekomenda sa buong National Capital Region Police Office (NCRPO) ang Pasig City Police Station bilang No. 1 buong  sa National Capital Region, ayon sa natanggap na report ni Pasig City Vice Mayor Iyo Caruncho-Bernardo.

Sa ulat ni Pasig City Chief of Police PCol. Moises Villaceran,  sa linguhang ulat sa Pasig City Council, sinabi nito na rekomendado ang Pasig Police station sa buong NCRPO, sa iba’t-ibang hanay na kategorya tulad ng: crime prevention, bilang ng mga naarestong personalidad, kasama na dito ang kampanya laban sa illegal na droga, kampanya kontra illegal na sugal, kabuuang kalagayan ng peace and order sa nasasakupan, enhanced management of police operations, suporta sa local government unit (LGU) at ilan pang magagandang kampanya ng kapulisan na nasulusyunan na, ayon sa pahayag  ni Villaceran.

Sa nasabing lingguhang ulat, sinabi ni Villaceran kung ilan na ang kabuuan ng mga IATF memorandum-related violators, o ang violation in-line with the COVID-19 campaign ng pamahalaan na may bilang na 400 na ang naaresto at kinasuhan. “Umabot naman sa 15,000 personalidad ang inimbitahan natin, binigyan ng fine at binigyan ng warning at marami pang ibang kaso ng paglabag na nasulusyunan na rin. Dito makikita na nagtatrabaho talaga ang ating mga kapulisan’”, dagdag pa ni Villaceran.

Binigyang halaga rin ng hepe ng Pasig City Police Station ang pakikipagtulungan ng puwersa ng lokal na pamahalaan tulad ng Bantay ng Ciudad Enforcement Office (BCEO), Traffic and Parking Management Office (TPMO) at iba pang local enforcement offices. Idinagdag pa ng Hepe, na ngayong nasa ilalim na ang Pasig sa General Community Quarantine (GCQ) inalis na rin nila, ang ilang mga ipinagbabawal na ipinatupad noong nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ) pa ang lungsod. “Kaya iminungkahi na rin natin sa City Council, na sana ang mga city ordinance na hindi na ginagamit ngayon ay i-amend na po nila, tulad halimbawa ng curfew,” ayon pa kay Villaceran.

Pinapurihan naman ni Vice Mayor Iyo Caruncho-Bernardo si Villaceran sa magandang rekord na ipinakita nito lalo na sa panahon ng pandemya, kung saan naging mapayapa at epektibo ang lahat ng ginawa ng buong puwersa ng kapulisan. “Binabati natin si PCol. Villaceran sa napakaganda at epektibong pagpapatupad ng mga national laws ganun din sa mga ginawa nating local ordinances habang nasa ilalim ang Pasig City sa ECQ, MECQ at kahit na ngayong nasa GCQ na tayo,” dagdag pa ni Vice Iyo.

Umaasa rin si Villaceran, na masusungkit  din nila ang rekomendasyon na maging no. 1 City Police Station sa buong bansa.