image

Bago maghatinggabi kagabi July 18, inanunsyo ni Pasig City Mayor Vico Sotto na isasailalim sa Localized Enhanced Community Quarantine (LECQ) ang ilang mga kalsada sa Napico sa Barangay Manggahan Pasig, dahil umano sa mataas na kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa isang Facebook post ni Sotto, sinabi nito na isasailalim sa LECQ ang lahat ng mga residente na nakatira sa Pipino, Labanos, Okra at Ubas Streets, sa nasabing barangay, “Epektibo po ang kautusang ito simula bukas ng gabi (Sunday, 19 July 2020), hanggang sa makita natin na bumaba na ang risk sa inyo. Alam ko pong makakaasa kami sa inyong kooperasyon,” ito ang pahayag ni Mayor Sotto.

Idinagdag pa ni Sotto, na mamamahagi ng food packs ang lokal na pamahalaan para mabawasan ang paglabas masok ng mga residente para bumili ng kanilang pagkain sa labas. Sa pakikipanayam kamakailan ni Presidential Spokesperson Harry Roque kay Mayor Vico Sotto, sinabi nito na sang-ayon siya sa localized o pocket lockdown upang mas madaling makontrol ang paglawak ng COVID-19 sa kanyang nasasakupan.

“Kagaya po ng nabanggit ni Secretary Roque, malaki po ang hamon sa ating mga lokal na pamahalaan lalo na po at ngayon ay mananatili po tayo sa GCQ. Pero ibig pong sabihin, kailangan mas maging aggressive tayo sa mga LECQ or pocket lockdowns,” ayon pa kay Sotto.

“So ito po ang ginagawa ng pamahalaang Pasig sa ngayon, ayaw naman po natin na mag-lockdown ang malalaking area dahil talagang maaapektuhan ang ekonomiya. At this point, alam na po natin ang kailangan nating gawin, of course, there’s no playbook for a crisis as big as this or for a pandemic … a worldwide pandemic such as COVID-19,” dagdag pa ng alkalde.